HINDI na nakagugulat na ang truck ng Metropolitan Manila Development Authority ay gamit ng opisyal nito sa paglilipat ng mga kasangkapan sa kanyang nilipatang condominium.
Dahil sasakyang pag-aari ng gobyerno, hindi binigyan-pansin ng barangay chairman ng Botocan sa Quezon City na nakahambalang sa gitna ng kalye ng Maka-Diyos ang trak ng MMDA.
Binigyan ng VIP treatment ng chairman ng nasabing barangay ang opisyal ng MMDA na siguradong sa barangay na nasasakupan niya titira.
Ang nakagugulat pa, hindi lang isa o dalawa ang pahinante na dala-dala ng trak ng MMDA subalit 14 kasama ang driver. Aba’y buong team na yata ng isang dibisyon sa tanggapan ng MMDA ang kailangang magbuhat ng mga gamit ng opisyal ng MMDA.
Paanong hindi malalaman na mga tao ng MMDA ang nagbuhat o pahinante, pawang gamit pa ng mga ito ang uniporme ng blue collar job employees ng ahensiya.
Nang makiusap ang isang driver ng sasakyan na paraan sa lugar na kung maaari ay tumabi sandali ang trak na nakabalagbag sa kalye ay isang lalaking naka-jersey na may apelyidong Billedo ang nakialam.
Ipinagyabang ng lalaki na isang doktorang opisyal ng MMDA ang may-ari ng mga gamit kaya dapat maghintay ang driver ng sasakyan.
Nang tanungin kung ano ang pangalan ng opisyal ng MMDA, sinabi nitong huwag na lang alamin. Basta isang doktor na lilipat sa condominium sa Makadiyos ang nag-utos sa kanila.
Ang pangkaraniwang tao kapag maglilipat ng bahay ay umuupa ng trak mula sa lipat-bahay o nanghihiram ng sasakyan at pinapagasolinahan, samantalang ang opisyal na ito ng MMDA ay libre lang.
Grabe naman ang taga-MMDA na ito. May pera naman silang pambayad pero gustong manlamang. Pera ng gobyerno ang nilulustay nila.
Mabuti sana kung isa o dalawang tao lang ang gamit sa paglilipat. Masaklap dahil isang buong barangay ang naghakot.
Dapat sigurong maimbestigahan ng tanggapan ng Ombudsman kung sino ang tiwaling opisyal ng MMDA na gumagamit ng trak at empleyado ng tanggapan sa paglilipat ng mga gamit o kasangkapan.
Ang grabe ay ang pagyayabang pa ng tao ng opisyal na ito na isang doktor ang amo niya.
May pera naman at kinikita sa MMDA ang nasabing amo, eh, bakit ayaw man lang magastusan?
Nakatipid nga siya pero sana kasuhan ng Ombudsman para matikman niya ang hapdi ng karma. PAKUROT/LEA BOTONES