NAMAMAYAGPAG at hindi matinag ang tupadahan nina Kap. Negro Fatalla at Dayo sa Sitio Sawang, Bgy. San Agustin Kanluran, Isla Verde, Batangas City.
Ipinagmamalaki ng mga magkasosyo na lisensiyado raw ang kanilang sabungan para nga naman ‘yung mga mananabong na natatakot na magpunta sa tupadahan ng magkasosyo ay mapanatili ng mga ito sa kanilang tupadahan.
Matindi ang patupadahan nina Kap. Negro Fatalla at Dayo dahil sa may fastest kill at madalas ang ginagawang pa-derby.
Kaya laging dinarayo ito ng mga mananabong sa nasabing bayan lalo’t ni hindi man lamang ito hinuhuli ng kapulisan.
Ang balita, kaya hindi raw hinuhuli ang patupadahan nina Kap. Negro Fatalla at Dayo ay malaki ang tagay, este, lagay na ibinibigay nila kay Batangas City C/Supt. Danilo Gumia.
Totoo ba naman ito, Supt. Gumia?
ANG MGA MABUBUTING GAYA NI KAPITAN SIA ANG IBOTO
Dear Mr. Juan de Sabog.
Ako po ay si Celia San Juan ng Clemente St., Gagalangin, Tondo, Maynila na masugid ninyong tagasubaybay sa kolum ninyo.
Sumulat po ako upang magpasalamat kay Chairman Darwin “Awi” SIA na tatakbong konsehal ng Maynila sa District II.
May sakit po ako. Isa po ako sa mga nagbakasakali na humingi ng tulong pampinansya kay Chairman Darwin “Awi” SIA.
Hindi ako nagdalawang-salita at ako’y kanyang tinulungan. Hindi po ako botante ng Maynila.
Kaya po ako sumulat sa inyo ay upang taos-puso akong magpalasamat kay Kap. SIA sa kanyang ipinagkaloob na tulong.
***
Aba, kung ganito ang mga natutulungan, tiyak na masisiyahan ka at lalo kang magpupursige na tumulong sa iba. ‘Di ba, Kap. Sia?
Mabuhay ka, Kap.
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA