DAHIL sa kakapusan ng makinarya at pera para magamit sa nasyonal na kampanya ay dapat nang magtulong-tulong ang lahat ng mamamayang naghahangad ng pagbabago sa ating bansa.
Malinaw na sa lahat ng kandidato sa pagka-Pangulo ay ang grupo lamang ni Davao City Mayor Rody Duterte ang huling-huli sa lahat ng aspeto ng kampanya dahil nga kapos sa bala.
Sa kasalukuyan ay umaasa ang grupo ni Digong, pambatong Pangulo ng partidong may prinsipyo na PDP-Laban, sa tulong at suporta ng taumbayan at iyan naman ay hindi mapasusubalian.
Kitang-kita sa mga poster na nakakabit sa kanayunan man o kalunsuran na ito’y sarili lamang disenyo at gawa.
May mga gawa sa sako, diyaryong luma at iba pang bagay na pwedeng gamiting poster, na lubhang namang katuwa-tuwa at kahanga-hanga dahil ang madla mismo ang nagsusulong ng kanyang kandidatura patungong Malakanyang.
Pero hindi pa sapat ang pagkilos na ito dahil alam naman nating lahat na hindi maiikutan ni Duterte ang buong bansa kaya bukod sa pag-iingay sa social media na talaga namang malakas ang kampo ni Digong ay kailangan natin ng tao-taong kampanya sa kanayunan man o kalunsuran.
Dapat na ring mag-organisa ang lahat ng tao na naghahangad ng pagbabago ng kampanya na papasok sa lahat ng sulok ng bansa.
Maliit man ‘yan iskinita o kalye ay pasukin nang lahat dahil nariyan ang mga kapus-palad na kasama natin sa pagbabago.
Sa maikling salita, house to house na ang dapat gawin ng Duterte supporters para makuha natin at maipaliwanag natin sa tao kung bakit dapat iboto at pagkatiwalaan si Duterte.
Sabi nga ay tumulong na rin naman tayo. Marapat na rin nating lubos-lubusin dahil sayang ang pagkakataon para sa tunay na pagbabago.
Alam nating ikot dito at ikot doon ang ginagawa nina Grace Poe, Jojo Binay at Mar Roxas.
Pero mas makaaangat tayo kung tayo mismong mga supporter ang bababa sa kapwa natin madla na naghahangad na mabago naman ang pamamalakad sa pamahalaan.
Hindi sapat na iboboto natin si Duterte. Dagdagan pa natin ng kilos at kampanya sa ibaba dahil ito ang mabisang panlaban at pantapat natin sa mga television ad nina Poe, Binay at Roxas na talaga namang sangkatutak at iba-iba pa.
TV ads ng mga kalaban ang dapat nating tapatan para maiangat pa natin si Digong.
Kaya kilos na para makamit natin ang tagumpay na may pag-asa dahil tayo mismong tao ang gagawa nito. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
