TAPOS na ang boksing sa isyu ng resibo ng Commission on Elections sa darating na halalang 2016.
Ni-knockout ang Comelec ng SC sa botong 12-0 mula sa mga Hukom.
Nauna rito, iniutos kamakailan ng Hukuman na mag-isyu ang Comelec ng resibo mula sa vote counting machines batay na rin sa tadhana ng batas sa halalan para sa electronic voting.
Humiling ang Comelec ng motion-for-reconsideration sa oral argument sa SC na baguhin ng SC ang desisyon nito pero hindi ito pinagbigyan ng mga Hukom.
Iniutos din ng SC na pupwedeng hindi mailabas ng botante ang kanyang resibo at isisilid ito sa isang ballot box.
SUSUNOD
Ngayong nagpasya na ang Supreme Court wala umanong magagawa ang Comelec kundi sumunod.
Ganun naman pala!
Pero hirit ng mga Komisyuner, simpleng resibo lang ang kanilang iimprenta at walang mga panseguridad na sangkap.
Pero kung magkaroon man ito ng mga security feature, dapat na itugma ito sa makina.
SARI-SARING DAHILAN
Sabi ng Comelec, gagamitin lang ang resibo ng mga mandaraya: mga bumibili at nagtitinda ng boto.
At hindi raw sila kasali sa dayaan: ‘Di ba, Hello, Garci at mga Commissioner-Disqualifier? Hehehe!
Hindi rin umano nakahanda ang mga vote-counting machine na mag-isyu ng resibo at kung lagyan ang mga makina ng kakayahang mag-isyu ng resibo, kailangan pang retokihin ang mga ito at kakain ito ng mahabang panahon.
Kapag nag-isyu rin ng resibo ang mga VCM, madaragdagan ang oras ng pagboto ng anim na oras o isa pang araw kaya magiging dalawang araw ang botohan sa halip na isang araw lang.
Iba pang usapan ang pag-iimprenta ng mga resibo na kakain din ng mahabang panahon. At iba pang usapan ang posibleng pagloloko mismo ng mga makina at mga papel na resibo.
SARILING MULTO
Kung pag-aaralan ang problemang ito sa Comelec, ang ahensiyang ito mismo ang may sala sa lahat.
Anak ng tokwa, kung pakikinggan ang mga salita ni ex-Comelec Chairman Sixto Brillante, matagal na palang alam ng Comelec na iniuutos ng batas sa electronic voting ang pag-iisyu ng resibo.
Pero binalewala ito ng Comelec sa mismong panahon ng kanyang panunungkulan.
Ngayon ay gustong ulitin ng administrasyon nina Chairman Andy Bautista ang ginawa nina Brillantes.
Eh, umangal si ex-Senator Dick Gordon na pangunahing nagpanukala ng nasabing batas.
Pinaburan ng SC ang posisyon ni Gordon dahil malinaw nga naman umano sa batas ang obligasyon ng Comelec na mag-isyu ng resibo.
Ngayon, takot na takot ang Comelec sa likha nitong sariling multo: ang pagbalewala sa batas na nag-uutos ng pag-iisyu ng resibo.
ANG CF CARD
Hindi naniniwala ang SC na magagamit ng mga namimili at nagbebenta ng boto ang resibo at lalong gumawa ng paraan ang SC para walang maganap na dayaan.
Gaya ng nabanggit na natin sa una, iniutos ng SC na huwag dalhin sa labas ng mga botante ang kanilang mga resibo at ihulog ang mga ito sa isang ballot box sa loob ng presinto.
Ngayon, mga Bro, kung sa tingin ninyo ay tapos na ang usaping dayaan sa halalan, aba, riyan kayo nagkakamali.
Gaya ng mga inireklamo noon sa Precinct Count Optical Scan, nariyan pa rin ang posibleng malaking dayaan sa pamamagitan ng CF card o Compact Flash card.
Sa CF card nairerekord ang mga boto ng botante at dito manggagaling ang boto na bibilangin sa canvassing.
Maaaring okey ang canvassing sa antas ng mga presinto. Pero kapag binunot na ang mga CF card mula sa mga makina at ibiyahe at ibigay sa mga canvasser sa munisipyo, lalawigan, national Comelec at Kongreso, sinong makapagsasabi na hindi pinalitan ang mga ito ng mga CF card na minaniobra para manalo ang mga kandidato na hawak ng mga mandaraya.
PNOY VS ERAP
Kung pakikinggan ang kwento ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan na naging miyembro ng mga canvasser sa laban nina Pangulong Noynoy at ex-Pangulong Erap, aba, may milagro talaga sa nilalaman ng CF card.
May kinuwestyon noon na 42,000 CF card dahil may laman umanong dinayang boto ang mga ito pero binalewala ito ng mga mayoryang senador at kongresman.
May katumbas na apat na milyong boto ang 42,000 CF card.
At ang nanalo nga, si PNoy.
Hindi natin sinasabing nanalo si PNoy sa pandaraya pero marami ang naniniwala na pupwede ang malaking dayaan sa halalang electronic sa pamamagitan ng maniobra sa mga nilalaman ng mga CF card.
MAGBANTAY
Kaya naman, ang CF card ang higit na dapat bantayan kaysa ang mga resibo.
Nasaan ang kahandaan ng Comelec na magbantay? At sino naman ang magbabantay kaya sa Comelec at Smartmatic na hahawak sa mga CF card?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA