KAMAKAILAN ay bumulaga ang balita, “pinalubog ng Coast Guard ng Argentina ang barkobg pangisda ng China dahil sa iligal na pangingisda sa kanilang teritoryo!”
Nakaiinggit ang ginawa ng Argentina laban sa mga iligal na mangingisdang Tsino. Ni hindi nakapiyok mismo ang embahada at mga lider ng Politburo ng Chinese Communist Party.
Malinaw kasi, iligal ang ginagawa nila.
Kumpara sa ating bansa, masyado na tayong kinakawawa ng sosyalistang imperyalistang China.
Noong una ay binawalan lang ang mga mangingisda natin sa Bajo de Masinloc bagaman alam nilang daan taon nang doon ang ating teritoryo ng pangingisda.
Nang mahuli ng Philippine Navy ang mga iligalistang mangingisda sa Bajo de Masinloc, sa halip na suportahan sila ng mga lider ng rehimeng Aquino, sila pa ang nagpaatras sa ating Puwersa Nabal na kesyo maging makatao.
Anyare?
Lumusob ang puwersa nabal ng China sa Bajo o Scarborough Shoal at tayo, ang mga mangingisda natin ang pinagbawal.
Kapag nakikita pa lang ng mga Tsino, binobomba nang malakas na tubig ang mga mangingisda natin. At ngayon, hindi na lamang isa, kundi pito sa ating teritoryo ang inagaw at tinayuan na ng base military ng China.
At kung hindi magpapakita ng pangil ang pabayang rehimeng Aquino, malamang pati buong Palawan ay aangkinin na ng mga hindoropot na ‘to.
Mismong ang mga “makabayang grupo” natin ay tila hindi rin nakikiisa sa pagtutol sa pang-aabuso sa atin ng higanteng bansa.
May sarili silang adyenda. Anoman iyon, sila lang ang nakaaalam?
Totoong hindi natin kaya na labanan ang China sa usapin ng sandatahang lakas pero kaya natin silang talunin kung magkakaisa ang sambayanan na tutulan ang pang-aabuso nila sa atin.
‘Yun bang LUBUSAN NA PAGBOYKOT sa lahat ng uri ng kanilang mga produkto.
Totoo na mahirap ang marami sa mga kababayan natin pero sana, ‘yung mga may paraan na abutin ang bigyan ng impormasyon tungkol sa lubusang BOYKOT SA LAHAT NG PRODUKTONG CHINA ay gawin natin.
Nakaiinggit ang ginawa ng Argentina. Hindi ba talaga kaya ng ating Coast Guard o Philippine Navy?
Nakaiinggit din ang ginawa ng mga mamamayan ng Vietnam nang sila rin ang binangga ng China. Nilusob lahat ang kumpanyang China at pinaalis silang lahat sa lupain ng Vietnam.
Tayong mga Filipino, nasaan ang pang-unawa natin sa pang-aabuso ng China sa atin?
Nganga na lang ba at wala tayo pakialam sa pang-aagaw, pang-aabuso at pagsasamantala sa atin ng China?
BRAVO ARGENTINA!!! BALETODO/ED VERZOLA