MUKHANG nagiging mahilig magsermon ang Pangulo ng Liberal Party (LP) sa iba’t ibang okasyon at kampanya ng kanilang partido liberal.
Noong UNA ay sermon sa kalaban ng kanyang manok na si Mar Roxas laban sa katunggali nito sa pagka-Pangulo. Kesyo bawat isa sa mga kalaban ay sinungaling, kung hindi man, masyado raw imposible ang mga pangako nila.
Pero itong huli, media naman ang pinatutsadahan niya lalo na ang mga nasa diaryo. Kesyo sana raw ay dapat gawin ng mga mamamahayag ang katotohanan, katapatan at responsableng pag-uulat ng mga balita.
Sa kanyang sermon, dapat daw gawin ng media ang tamang trabaho ng pagrereport? Mr. LP President, sino na naman ang speechwriter mo riyan sa mga kinakana mo?
Pwede ba, itatak mo sa isip mo na ang mga taga-media, lalo na ang mga field reporter ay isinusulat yun kung ano ang narinig mula sa inyong bunganga! Hindi sila miyembro at imbentor ng Filipino Inventors Society.
Kung may lihis man na balita sa inyong sariling pag-intindi, iyon ay nakuha ng ibang reporter na may kaugnayan sa inyong mga binibitiwan na salita sa inyong mga kausap o sa madla. Dapat alam mo iyan!
Una, gusto mo na pawang mga katotohanan, tapat at responsible ang mga balita? Papaano isusulat ng taga-media ang tama kung puro mali ang iyong ginagawa? Alalahanin mo ang iyong pangako sa bayan at mamamayan Mr. LP President. Sabi mo, “taumbayan ang boss mo,” pero bakit para kayong si Hitler magmando?
Ipinagbawal mo ang “wangwang” para walang motoristang aabuso sa lansangan. Pero ang korapsiyon, ni hindi ninyo mapagsabihan ang inyong mga matalik na kaibigang nakapuwesto sa lahat ng pangunahing ahensiya.
Papaano isusulat ng isang reporter na maganda ang buhay ng mga tao sa agrikultura, eh puro smuggling ang ginawa ng mga tao mo sa pangunguna ni G. Proceso Alcala. Kanino napunta ‘yung P4.2-bilyon na pondo sana para sa mga magsasaka? Ang magreklamo, patay kang bata ka! Ukinnana!!!
Nagpipista ang mga dayuhang minero dahil lahat na yata ng bawal kalkalin sa ating lupa ay pinayagan ni Ramon Paje ng DENR.
Mas masahol ang DOTC dahil sa halos araw-araw na dusa ng mga pasahero sa MRT3 at LRT. Ang DSWD na nagyayabang ng 4Ps ay nagsiyaman ang mga namamahala sa kuwarta.
Paano isusulat ng maganda ang katakawan ng mga opisyal ng SSS at mga kauring ahensiya na sa sariling desisyon ay milyon-milyon ang bonus nila? Sige nga, ikaw nga ang maging reporter? BALETODO/ED VERZOLA