BINIGYAN-PARANGAL at pagkilala si Caloocan City Mayor Oca Malapitan kamakailan ng pamunuan ng Philippine National Police sa pangunguna ni Chief Supt. Joel Pagdilao, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ito’y sa dahilang dalawang magkasunod na taon (2014 at 2015) na nakapagtala ang lungsod ng pinakamababang crime index sa buong Metro Manila at may pinakamababang crime rate per 100,000 population.
Kinilala ni Gen. Pagdilao ang mga pagsisikap at pamamaraan ni Mayor Oca para mapababa ang krimen sa lungsod gaya ng mga pailaw sa mga barangay, pagdagdag ng CCTV at mga mission orders ng barangay chairmen para sa patrolya ng pulisya.
Pinangunahan din ng alkalde ang pagbubukas ng Caloocan Nature Park sa Amparo Subd. kasabay ng pagpapa-alala sa publiko na “ang parke na ito ay atin at pangalagaang maging malinis at maganda.”
Nilinaw ni Mayor Oca na palaging bukas ang parke para sa lahat at maging sa pa-seminar ng mga barangay.
Ang parke ay may dalawang ektarya. Ang isang ektarya ay ginawan ng adult pool, children’s pool, 14 na cabanas o picnic sheds, shower rooms, dressing rooms, hall-type function room na kasya 200 katao at home-type function hall.
Ang isang ektarya naman ay hinayaang siksik sa puno at hindi ginalaw ang kagubatan para dito gumala ang mga nature lovers.
Kabilang sa future developments dito ay mini zoo, zip line, tree-top adventures, camping site at team building challenge courses.
Galing, galing ‘di ba!
COUN. ALONG, MOST OUTSTANDING LOCAL LEGISLATOR NG SUPERBRANDS
Teka, ‘di patatalo itong anak kung sipag at dedikasyon din sa trabaho ang pag-uusapan.
Nakatakdang parangalan itong si Liga ng mga Barangay president Coun. Gonzalo Dale “Along” Malapitan bilang Most Outstanding Local Legislator Awardee ng Superbrands, ang 20-year-old award-giving body sa iba’t ibang larangan ng produkto at tao sa buong mundo.
Ayon kay Larry Tambuatco, President at CEO ng Superbrands sa Pilipinas, sinuri at binusisi nila ang mga konsehal sa Pilipinas, at namukod-tangi itong si Coun. Along Malapitan dahil sa kanyang isinulong na libreng kolehiyo sa Caloocan.
“Mahigit 18,000 estudyante na ngayon ang nakikinabang sa libreng kolehiyo sa UCC (University of Caloocan City) na isinabatas ni Coun. Along sa Caloocan.
“Nais naming ipakita sa publiko, upang maging inspirasyon sa iba pang mga konsehal, ang social responsibility ng mga konsehales gaya ng mga iba’t ibang programa at proyekto na tunay na pakikinabangan ng mga mamamayan,” dagdag pa ni Tambuatco.
Kaugnay nito, labis na ikinagalak s’yempre ng aman na si Mayor Oca ang naturang pagkilala sa kanyang anak at sinabing “isa ito sa pagpapatunay na tama ang aming ginagawa sa Caloocan – isang pagkilala sa aming pagsisikap na mapaunlad ang uri ng buhay ng aming mga kabababayan.”
Ang award ay igagawad kay Coun. Along bukas (April 6) sa The City Club, Ayala Ave., Makati City.
Ang Superbrands ay nakagawa na ng mahigit 12,500 case studies sa iba’t ibang larangan ng pagnenegosyo at pamamahala sa gobyerno sa 93 mga bansa sa mundo. GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO