UMARANGKADA sa unang puwesto sa pagka-pangulo si PDP-Laban presidential standard bearer Davao City Mayor Rodrigo Duterte ayon sa resulta ng mga survey na isinagawa ng ilang pribadong organisasyon, na nagpapakita lamang na talagang suportado ng publiko ang pagtakbo ng alkalde.
Sa resulta ng isinagawang survey ng isang kilalang convenience store sa pamamagitan ng pagbili sa kanilang inuming produkto, maraming mamimili ang pinili ang cup na nagtataglay ng larawan ni Duterte.
Matatandaang noong isinagawa rin ito ng nasabing store noong 2010, si PNoy ang nanguna rito na kalaunan ay siya ring nanalo sa aktwal na eleksyon noong May 2010.
Kasabay nito, sa kalalabas lamang na resulta ng MBC-dzRH survey na isinagawa noong April 2, 2016 na may 7,490 respondents sa buong bansa, nanguna si Duterte sa 36% na nagsabing siya ang kanilang iboboto sa pagka-pangulo na sinundan ni Sen. Grace Poe na may 28.2% na boto.
Sa resulta naman ng the Standard Poll na isinagawa ng Laylo Research Strategies noong March 26 – April 1, 2016, nasa unang puwesto rin si Duterte sa nakuha nitong 30% na boto mula sa respondents na sinundan ni Sen. Poe sa 27%.
Maraming mock election din ang isinagawa ng iba’t ibang unibersidad sa bansa na nagpapakita rin ng suporta ng bagong henerasyon kay Duterte.
Talagang sabik na ang Filipino sa tunay na pagbabagong handang gawin ni Mayor Duterte sa bansa kung sakaling siya ang maluklok sa pagka-Pangulo sa darating na eleksyon na tila hindi malabong mangyari dahil publiko na ang sumisigaw ng kanyang pagkapanalo.
Sawa na rin ang taong magtago sa takot sa kriminalidad habang ang mga halang ang bituka ay walang awang gumagawa ng krimen sa oras at lugar na gustuhin nila.
Bagama’t tipid ang pagsasalita ni Mayor Duterte upang ipagtanggol ang kanyang sarili sa paninirang ginawa sa kanya at siguradong gagawin pa matapos niyang manguna sa mga survey, taumbayan ang tunay na magtatanggol sa kanya dahil siya na lang ang nakikitang pag-asa ng bansa laban sa krimen at korapsyon. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO