NABABALOT ng pagdududa ang proseso ng halalan 2016 dahil sa mga alegasyon ng “pandaraya” o “panggigipit” partikular na sa overseas absentee-voting sa iba’t ibang bansa.
Inuudyukan diumano ng mga kawani ng ilan nating embahada ang mga OFW voter na iboto ang administration standard-bearer Mar Roxas at ang Liberal Party senatorial slate.
Isa sa mga pinangyarihan ng insidente ay sa Japan, ayon sa report ng ilang OFW na nag-renew ng kanilang Philippine passports.
“Mas madali raw makakukuha ng new passport kung mapakikitang ibinoto ang LP, kunan daw ng picture sa cellphone ang balota,” sabi ng isang OFW.
Ayon pa rin sa ilang OFW voter, may mga bumoto kay Sen. Grace Poe at ang iba’y kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ngunit ang lumitaw sa resibo ng vote-counting machine ay Mar Roxas.
‘Di masisisi ang publiko na magduda sa kalakaran at proseso ng eleksyon tungo sa Mayo 9.
Sa aking panayam kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, sinabi niyang iimbestigahan ang mga naturang pangyayari kung may pormal na reklamo na makararating sa poll body.
May kumalat din na video ng diumano’y pamumudmod ng “sobre” sa mga “hakot” na raliyesta sa isang sortie ng Liberal Party (LP) sa Pikit, North Cotabato.
Sinisi ni LP stalwart Cong. Edgar Erice ang ilang local LP candidate na nagsasagawa ng kanilang “sariling diskarte” kabilang na ang vote-buying.
Iyan ang ebidensya na walang tunay na pagbabago nitong nakaraang anim na taong pagngongoyngoy.
*****
HUWAG naman sanang magtamad-tamaran ang mga lingkod-bayan sa lahat ng antas at iba’t ibang sangay ng pamahalaan nitong mga nalalabing mga araw sa termino ng administrasyong Noynoy Aquino.
May dalawang linggo na lamang hanggang tumungo sa botohan ang sambayanan pagkatapos ay may isang buwan na transition period bago pormal na umupo ang bagong Pangulo.
Pangangatawanan ba ni Noynoy at kanyang administrasyon na ito ay magiging “inutil” hanggang sa huling araw ng kanilang termino.
Lalo lamang makaaapekto ang ganitong “loser” attitude sa rating ng administration standard-bearer Mar Roxas sa presidential race.
Nangungulelat pa rin si Roxas sa mga latest survey na isang indikasyon na nakatatak sa pag-iisip ng taumbayan na “incompetent” o tamad itong dating DOTC at DILG secretary.
***
Welcome po ang inyong reaksyon, opinyon at reklamo. I-email po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin nyo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO
