IBANG-IBA si Davao City Mayor at Partido ng Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) standard bearer Rodrigo Duterte sa kanyang mga kalaban sa pagka-Pangulo sa nalalapit na eleksyon.
Bukod tanging si Duterte lang ang nakikitaan natin na kandidato sa pagka-Pangulo ng paninindigan dahil lahat ng sinasabi nito ay kanyang pinaninindigan at hindi na kailanman babawiin pa.
Kung ang mga kalaban ni Duterte sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa ay pawang mga nagbabait-baitan, kakaiba itong alkalde ng Davao City dahil lahat ng ugali nito masama man o mabuti ay kanyang ipinakikita sa tao.
Hindi rin ito nagpapanggap na mabait at kung galit ito ay inilalabas niya ang kanyang nararamdaman at hindi katulad ng iba na nagpapanggap na mahinahon ngunit sa kaloob-looban naman ng mga ito ay halos kumulo na ang dugo.
Ika nga ng mga tambay, tanging si Duterte lang ang tumatakbong Presidente na may “bayag” at hindi katulad ng iba na nagpapanggap na mabait at ang iba naman ay nagsasabing tatanggalin nila ang korapsyon samantalang siya mismo ang pasimuno ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Mas gugustuhin kong ang Presidente na may pagkagarapal ang pananalita kesa naman sa gobyernong marumi na bukod sa amoy burak ay nanlilimahid pa sa karumihan dahil naglipana ang mga magnanakaw.
Habang patuloy na ginigiba si Duterte ng kanyang mga karibal sa pulitika ay lalo namang nagpapakita ng suporta ang mga taong gusto ng tunay ng pagbabago dahil tanging kay Digong lamang nila ito nakikita.
Matagal na rin kasing walang nangyayari sa ating bansa dahil ang lagi nating pinipiling ihalal na Pangulo ay iyong mabait kuno pero kapag nakaupo na sa mamahaling upuan sa Malacañan ay lumalabas na ang tunay na kulay at ugali.
Subukan naman nating mag-upo sa Malacañan ng sinasabi nga nila na palamura pero nakahanda namang sugpuin ang korapsyon sa gobyerno, talamak na pagkalat ng iligal na droga at iba pang karumal-dumal na krimen.
Kapag nagkamali na naman kasi tayo sa pagpili ng ibobotong Pangulo ng bansa ay anim na taon na naman tayong magtitiis at puro reklamo na naman ang maririnig natin sa ating mga kababayan.
Kaya bago tayo bumoto ay tiyakin muna nating mabuti kung sino ba talaga ang nararapat. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO