HINDI masama na manguna ang Pangulo sa pangangampanya ng kanyang mga kapartido. Normal lang iyon sa ating pulitika. Sabi nga, ‘yun ang nakagisnan nating kalakarang pulitikal sa bansa noon pa.
Pero ang masama, mortal na kasalanan na abusuhin ang pribilehiyong iyon kung ang batas ng kalakaran ay patuloy at paulit-ulit na ginagawa sa maling paraan. Lumabas sa social media ang larawan ng kapatid ni Don Benigno Aquino III na si Kris Aquino pababa sa isang “presidential helicopter” sa Visayas province para sumama sa kampanya ng Liberal Party nina Mar Roxas at Leni Robredo. Walang masama sa kanyang pagsama sa kampanya ng partido ng kuya niya!
Lamang, hindi lang isa kundi lima ang “presidential helicopter” ang lumapag!??! Sino-sino naman kaya ang mga nakasakay sa apat na choppers? Nailing na lang tayo pero may kasamang malaking galit sa rehimeng Aquino nang makita natin ang posted pictures sa FACEBOOK!
Sabi ng nakausap natin na kasama sa sumalubong kay Kris, hindi raw kasama ang kanyang Kuya Noy sa araw na iyon? Eh, papaano nagamit ni Kris ang presidential at military choppers?
Pangkampanya ni Kris Aquino ang 5 choppers samantalang nakikipagbakbakan ang military sa mga teroristang ABU SAYYAF GROUP sa Tipo-Tipo, Basilan. Mahigit 20 ang napatay sa kanila dahil sa kawalan ng ayuda! Idagdag pa ang lumabas din na video habang walang magawa ang mga sundalo dahil supot ang karamihan sa kanilang bala at mayroon din nga namang .50 caliber na machine gun pero ayaw pumalo ang gatilyo?
Punyeta! Mga bagong high-powered firearms sa ilalim ng AFP Modenization, sira halos lahat!
Mas inuna rin ni Aquino ang kampanya nina Roxas at Robredo kaysa asikasuhin ang problema ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato na ikinamatay ng ilang magsasaka at ikinakulong sa matatanda at buntis. BALA HINDI BIGAS ang ibinigay ng estadong Aquino!!
Malinaw na pang-aabuso sa kapangyarihan ang ipinakikita ng rehimeng Aquino. Kapag problema ng bansa at mamamayan, walang pondo, walang gamit, walang pagkain – pero – sa kampanya ng kanilang partido, ipinapagpag pa sa ere na kapag hindi sumigaw ng malakas ang mga pinadalo sa kampanya, walang matatanggap na pera?
Ang masakit pa, ipinagtanggol ni Noynoy ang kapatid na babae na pinayagan daw niyang gamitin ang 5 helicopters ng pamahalaan ay dahil malaki raw ang ibinabayad na buwis ni Kristete! Punyetang-punyetang katwiran mayroon si Aquino. Kasong ELECTIONEERING ‘yan! BALETODO/ED VERZOLA
