KANYA-KANYANG kampanya, propaganda, pagbabango at laglagan na ang ginagawa ng mga kandidato sa lokal na pamahalaan upang masigurado lang ang kanilang panalo at isang halimbawa rito ay ang mga nasa distrito 1 ng Quezon City.
Ang mga nasa team ni Congressman Boy Calalay, sinasabing malakas sa District 1, ay masisipag sa pangangampanya. Sama-sama at grupo sila kung lumakad at magbahay-bahay.
Binubuo ang Team Calalay ng mga datihang konsehal na sina Jun Ferrer, Mayen Juico, Alex Herrera, Beth Delarmente at Ollie Belmonte at chairman ng Paang Bundok na si William “Maca” Chua.
Sila ay pawang tumatakbo sa ilalim ng Liberal Party na partido ni Pangulong Benigno Aquino III at presidential candidate Mar Roxas.
Malakas ang Team Calalay kasi nasa kanila ang makinarya. Subalit hindi rin dapat maliitin ang kakayahan ni Councilor Onyx Crisologo, incumbent councilor, na tumatakbo sa ticket ng ama niyang si dating Cong. Bingbong Crisologo.
Kumbaga sa sugal, dehado si chairman Maca sapagkat ngayon pa lang siya nagpapakilala sa mga residente at botante ng District 1. Pero kung talino, kakayahan at pagiging dedikado sa trabaho at responsibilidad, tataluhin ni Chairman Maca ang mga datihan sa “serbisyo publiko” ng district 1 ng QC na puro salita lang at kulang sa gawa.
Maraming katangian si Maca na dapat isaalang alang ng mga botante ng distrito uno ng lungsod ng Quezon. Hindi pa man konsehal ng bayan itong si Maca ay madalas na itong puntahan at hingian ng tulong ng mga mamamayan ng Quezon City. Masipag na opisyal itong si Maca na halos sa barangay na niya tumitigil upang matugunan lang ang anomang problema.
Bukod pa ito sa malaking tulong sa mga motorista ang ginawa niyang pagtatalaga ng mga barangay tanod na nagmamando ng trapiko noong kasagsagan ng proyekto ng Department of Public Works and Highways na flood water interceptor.
Inaabot kasi ng halos mahigit isang oras bago makalusot ang mga sasakyan sa harap ng Manila North Cemetery hanggang Chinese General Hospital dahil sa ginagawang kalsada. Hindi naman nagtalaga ang DPWH at Manila Traffic Enforcement Unit ng magmamando ng traffic kaya si Maca ang mabilis na umaksyon.
Kahit tuwing may libing kapag araw ng Sabado at Linggo, mga opisyal at tanod ng barangay ni Maca ang nagsasaayos ng mahaba at buhol-buhol na pila ng mga sasakyan at mga taong nakikipaglibing.
Iyon ay maliliit na bagay subalit pinagsisimulan ng pag-unlad at pag-asenso ng bayan. Kung ang maliliit na bagay na hindi magawa ng mga opisyal ng pamahalaan at lungsod ay naaayos ni Maca, ano pa kaya ang ibang problema? PAKUROT/LEA BOTONES
