NAG-AAMBISYONG sa senatorial winning circle of 12 itong si dating DOJ Secretary Leila de Lima, at sa kasalukuyan ay labas-masok ito sa mga panghuling puwesto ng mga nais iluklok ng botante sa mataas na kapulungan.
Hustisya at pagsunod sa batas ang panawagan ni De Lima. Hindi na bago ito, gasgas na ngang linya ang hirit na ganyan. Sa pagdesisyon kung karapat-dapat ba talagang maging senador itong si dating Madam Secretary, kilatisin nga natin ang aktwal na nagawa at hindi nagawa nitong opisyal na ito.
Sa totoo lang, marami-raming isyu laban kay Leila. Uunti-untiin natin ito para naman maliwanagan ang mga botanteng Filipino.
Una na rito ang kawalang-aksyon ng DOJ sa paglatag ng kaso at pagsampa ng asunto laban sa mga smuggler. Hindi raw sapat ang ebidensya sabi ng DOJ, kaya ibinalik sa NBI ang imbestigasyon.
Sa totoo lang, kung nagsipag lang si De Lima sa pagkuha ng salaysay ng napakaraming negosyanteng nagpatunay na talamak ang smuggling, sana’y napanagot na ito dati pa.
Paano mo man tingnan ngayon, natulog o namatay na ang isyung ito. Anong ginawa ni De Lima, bukod sa pagbalandra ng mukha niya sa media? Wala.
Sunod ang usapin ng kawalan ng aksyon ni De Lima sa mga kabalbalang nangyayari sa Bilibid. Ano rin ang nangyari roon sa mga raid at bisita niya kuno? Wala rin. Tingnan mo ang Bilibid ngayon at kung ano ang dinatnan ni De Lima, andun pa rin lahat – mga naglipanang bawal na personal na gamit gaya ng cellphone, tv, aircon, ref, at marami pang iba. Talamak din ang pagpasok ng droga, baril at iba pang kontrabando. Ano ang nagawa ni De Lima sa pagreporma ng National Penitentiary? Wala.
Mukhang puro kiyaw-kiyaw lang itong si De Lima, magaling lang sa publicity. Puro bokya. Walang nagawa. SA KANTO’T SULOK/NATS TABOY