NOONG panahon ni Mambo Magsaysay, uso ang katwiran ng gobyerno na “Di baleng malugi ang gobyerno, huwag lang magutom ang tao.”
Ngayon naman, baligtad na ito, ayon sa nararanasan ng maraming mamamayan.
Titindigan ka pa nga ng balahibo sa pinagsasabi ng mga taga-Malakanyang na “Kung gusto mong magkaroon ng magandang serbisyo publiko, magbayad ka.”
Sa karanasan, magbabayad ka ng napakamahal at paulit-ulit-ulit pa.
CERTIFICATE NG PSA
Kung gusto mong makapasok sa trabaho, kailangan mong magdala at magpakita ng orihinal na mga certificate, kasama na ang birth certificate at certificate of no marriage o certificate of marriage.
Iniiwasan naman kasi ng mga employer ang mga pekeng dokumento upang makaiwas na rin sila sa anomang aberya, lalo na sa harap ng mga ahensya ng pamahalaan na roon sila nakikipag-ugnayan.
Alam ba ninyong hindi kayo makakukuha sa Philippine Statistics Authority ng birth certificate, certificate of marriage at certificate of no marriage kung hindi ka magbayad ng P150 bawat isa?
Pero rito sa mga certificate ng PSA, kailangan mong gumastos ng nasa P300-pataas para sa sedula, barangay clearance, affidavit at pagpapadala ng local civil registrar ng iyong mga dokumento na ipadadala sa PSA…kung sinabi ng PSA na wala kang rekord sa mga ito.
Kapag nag-order ka naman online o sa bisa ng internet ng iyong certificate, aba, mahigit sa P300 ang iyong babayaran.
Kung pipila ka naman sa PSA Central Office, sa rami ng pila, hindi ka makasisigurong maiisyuhan ka agad ng certificate at maaaring kinabukasan o sa makalawa ka magkakaroon nito.
MULA SA LALAWIGAN
Eh, kung galing ka sa malayong lalawigan, halimbawa sa Sulu, Davao o Zamboanga o sa Ilocos, Batanes o Cagayan?
Kapag ipinaraan mo naman sa mga panrehiyong opisina ang iyong aplikasyon ng certificate, anak ng tokwa, namuti na ang uwak, wala pa rin ang iyong certificate. At kahit sa mga rehiyon lang, gagastos ka rin ng malaki sa pamasahe, pagkain at hotel kung kinakailangan.
MULTA SA SASAKYAN
Itong multa sa mga “violation” sa mga batas trapiko ang ikinahahayblad ng mga tsuper at operator ng mga sasakyan, pampubliko man o pribado ang sasakyan.
Ito ang matindi, mga Bro: magkakaiba ang mga babayaran sa Land Transportation Office, lokal na pamahalaan at iba pa na naniningil ng multa kapag hinuli ka.
Ang matindi pa, napakamamahal ang singil. Sa LTO lang, wala na ‘yung mga P150 at P300 na multa para sa mga maliliit na paglabag at pinalitan ang mga ito ng minimum na P1,000. Marami rin ang P3,000 at pataas na multa.
Sa mga lokal na pamahalaan, may naniningil ng P2,000-P5,000 sa violation na katumbas ng mga minimum na violation sa LTO.
Sa Metro Manila, nakikihalo rin ang Metro Manila Development Authority at mga pribadong towing company sa pagpapahirap.
Kapag nagkadiperensya ang iyong sasakyan pero pwede namang umandar kung kakadyutin, hindi tutulong ang mga towing company, at sa halip, kakadenahan ka kaagad, aagawin ang iyong manibela at dadalhin ka sa kanilang mga impounding compound.
Napakamamahal nito.
POLICE CLEARANCE
‘Pag gusto mo namang kumuha ng police clearance, anak ng tokwa, hindi ka makakukuha nito kung hindi ka muna daraan sa sedulaan na magkakaiba rin ang presyo.
Kailangan mo ring magkaroon ng barangay clearance na mahal na rin. Kapag nagkaroon ka naman ng problema, kotong ang aabutin mo sa mga pulis.
Kahit tanungin n’yo pa ang mga tsuper.
Mas maswerte ka nga kung babangketain ka na lang. ‘Yun bang === walang resibo para hindi ka na gagastos nang mahal sa pagtubos ng iyong lisensya o iba pang bagay na kinumpiska sa iyo.
Maiiwasan mo pa ang kukuha ng abogado na napakamahal din kung idedemanda mo ang pulis.
Isa pa, napapatay ang mga nagdedemanda laban sa mga pulis.
Saan ka tatakbo?
HUKUMAN AT DPWH
Kapag nagdemanda ka naman, nakupo, ang laki ng gastos diyan. Hindi kaya ng mamamayang mahirap ang gastos sa asunto, mula sa pagkuha ng abogado hanggang sa pagsasampa ng kaso paglilitis.
Eh, paano kung aabot sa 10-20 taon hanggang Supreme Court kahit ang maliit na kaso?
Kapag kinuha ng Department of Public Works and Highways ang iyong kakapiranggot na lupa para sa mga proyekto nito, babaratin ka. Patakaran kasi ng gobyerno na ‘yung pinakamura na basehan ng presyo ang ihaharap nito sa pagkuha ng iyong lupa o ari-arian.
Kapag magdedemanda ka, lalamunin ka naman ng abogado. Maya-maya lang, makikita mo na rin ang mga opisyal ng DPWH na mayaman, kasama ang kontraktor.
‘Yun pala, sila ang kumukubra sa mga nakalaang bayad sa mga right of way na malalaki pala.
TANONG SA KANDIDATO
Isang tanong lang mga kandidato ngayon: Paano ba ang mga problemang ito?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA