GUSTO mong mabilis ang iyong biyahe sa mga superhighway?
Huwag kang magbayad ng cash sa mga toll plaza kundi gumamit ng electronic na pagbabayad.
Ang tawag diyan ay electronic cash o EC o ETC. Kaya lang, magbabayad ka ng mahal.
‘Yun bang === bibili ka sa mga may-ari ng nasabing kalsada ng sticker o EC tag o ETC tag na nagkakahalaga ng nasa P2,000.
SOBRANG TRAPIK
Tinatalakay natin ito dahil sa sobrang trapik sa mga panahong ito na nagaganap maging sa mga superhighway.
Siyempre pa, ang pinag-uusapan natin ay mga lugar ng superhighway na malayo sa Metro Manila.
Dahil, kahit may EC o ETC sticker o tag ka, kapag papasok ka na sa Metro Manila, trapik ang sasalubong sa iyo.
Sa Metro Manila, cash ang kailangan mo sa mga toll plaza na kamay ng mga nangongotong na pulis, traffic enforcer at iba pang wala nang ibang ginawa kundi mamerwisyo at pagkakitaan ang mga tsuper, may-ari at operator ng mga sasakyan.
SINGLE LANE SA NLEX AT SLEX
Mayroon lang tayong napupuna sa North Luzon Expressway, South Luzon Expressway at iba pa.
Kahit pa may EC o ETC tag o sticker ka, matrapik pa rin naman sa mga superhighway. Ang dahilan, anak ng tokwa, marami sa mga exit at entrance ang may single lane.
Kapag nauna ang isang mabagal at malaking trak at sinundan ito ng isang kilometrong pila ng mga trak, umiyak ka na, bukod pa ang iyong pagdarasal.
Kapag may nasiraan diyan, katakot-takot na trapik na ang abutin mo riyan. Kapag itinatakbo ka ng ambulansya sa ospital, magdala ka na rin ng rosaryo at magdasal para hindi ka matrapik.
Pero madalas, waepek din ito. Wala palang silbi ang EC o ETC tag o sticker.
PUNA PA
Kung minsan, mabilis ang pagdaan sa EC at ETC. Pero alam ba ninyong madalas ay Malabo ang mata ng mga sensor sa mga EC o ETC?
Kahit isubo mo pa ang EC o ETC na tag sa mga sensor, ayaw o mabagal na magbasa ang mga sensor.
Lalo na kung “Low Balance” ka na. Minutos ang aabutin mo.
Kung ayaw o tinatamad magbasa ang mga sensor, siyempre pa, pupunta ka sa pilahan.
SA MALAYSIA
Sa Malaysia, mga Bro, sa 2018 o isa at kalahating taon na lang mula ngayon, wala nang gagamit ng cash sa mga superhighway at sa 2020, tanggal na lahat ang mga toll plaza na may mga barikada.
Napag-aralan nila kasi na umuubos ng 3-5 segundo ang pagpasok-labas sa mga toll plaza na may EC o ETC kumpara sa nasa 15 segundo na ginugol sa mga toll plaza na cash ang ibinabayad.
Inaasahan ng mga awtoridad na magiging mabilis na talaga ang biyahe ng mga sasakyan.
Dahil sa gumagandang daloy ng sasakyan sa mga superhighway sa unti-unti nilang pagtanggal sa mga toll plaza na may harang, dumoble na ang bilang ng mga sasakyang gumagamit dito.
Kaya naman, bukod sa tuwa ng mga biyaherong mamamayan, oks na rin ang daloy ng mga negosyo.
Ano-ano naman kaya ang meron dito sa Pinas kaugnay ng proyekto ng Malaysia?
TREN PA RIN
Aprub na aprub tayo, mga Bro, sa paggawa ng mga tren na magkokonekta sa lahat ng sulok ng mahal kong Pinas.
Wala pa ring tatalo rito at malayong mas maganda ito kahit sa mga superhighway na walang singilan ng cash.
Hindi na gaanong mapolusyon, mabilis at maraming tao pa ang sakay sa isang biyahe. Pero kailan kaya tayo magkakaroon ng tren na ganito?
NAGKAABERYA, NADISKARIL
May mga tren nga tayo, wala naman tayong nararanasan o nababalitaan kundi “nagkaaberya”, “nadiskaril”, “nakabangga” at iba pa.
Palibhasa, ninanakaw o kinorap ang mga pondo kahit pa sa umiiral na Daang Matuwid.
Ang tren naman ay ninanakawan ng mga harang at riles para ipakilo at pagkaperahan ng mga magnanakaw pa rin.
Kahit saan, may magnanakaw at korap. Kailan kaya tayo makalalaya sa mga magnanakaw at korap, Mayor Digong?
MABIBILIS SA ISKAM
Katakot-takot na bilis ang ginagawang pag-apruba ng mga kontrata at proyekto sa imprastraktura habang papalapit na ang katapusan ng mundo ng mga nasa Daang Matuwid.
Wala kayang milagrong nagaganap? Mukhang inuubos ang nakalaang badyet sa imprastraktura na nasa P700-bilyon-P1-trilyon sa panahon ni Pangulong Noynoy.
Hindi kaya puno ng anomalya ang mga ito na halos maituturing na midnight deal?
Eh, kung may suspetsang may malalaking iskam sa iilang bilyong pisong kontrata at proyekto sa mga driver’s license at plaka ng sasakyan, eh ‘di lalong ma-iskam ang mga imprastrakturang nagkakahalaga ng P10-bilyon hanggang P60-P70 bilyon bawat isa?
Masahol pa sa mga druglord at rapist ang mga korap dito, Mayor Digong.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


