NAKAAAWA na kung tutuusin si “Press Secretary” Herminio “Sonny” Coloma. Isa sa tungkulin ng kanyang boss, Pangulo at lider ay samahan o manguna pa sa kampanyang pulitikal ng kanyang partido sa panahon ng eleksyon.
Walang kuwestiyon ‘yun, Ka Sonny. Wala naman talagang nagrereklamo riyan dahil alam ng lahat, botante man o hindi pa.
Hindi bobo at tanga ang mamamayan. Huwag ninyong pilipitin ang isyu ng pang-aabuso ng inyong rehimen.
Normal na manguna si Noynoy Aquino na ikampanya ang kanyang mga manok ngayong eleksyon 2016. Lalo na, napipinto ang tambak na kasong haharapin niya pagbaba sa puwesto. Kaba at takot ba iyan?
Pero ang pagtatanggol ninyo ng iyong USEC, si Manuel Quezon II, na kasama sa Official Family si Kris Aquino kaya OKAY lang na gamitin niya ang presidential chopper para tumulong sa kampanya ng Liberal Party ay mali sa dilang mali!
Hindi rin katanggap-tanggap ang katwiran ng kuya Noynoy ni Kris na kaya raw siya pumayag gamitin ang presidential chopper ay dahil isa umano si Kristeta sa pinakamalaking magbayad ng buwis? Punyeta!!!
Malinaw ang Omnibus Election Code. “Bawal gumamit, gamitin ang anomang pag-aari ng pamahalaan, gamit, bagay man o sasakyan…”
Malinaw iyan, Mr. Coloma. Malamang, mismong ang miyembro ng iyong pamilya ay tututol sa iyong maling-maling depensa at katwiran.
Ang nakabubwisit, Mr. Coloma, hindi lang isa kundi limang helicopter ang nakaayuda kay Kristeta?
Paano mo bibigyan ng katwiran iyan kung hindi isang malinaw na pang-aabuso sa inyong kapangyarihan?
Paano mo bibigyan ng katwiran na habang nagpipista ang mga kapatid ng iyong amo ay HUMIHIYAW ANG ATING MGA SUNDALO SA BASILAN AT LANAO ng tulong o ayuda habang minamasaker sila ng mga bandido at terorista?
Ang dami nang napapatay na sundalo, mas nakabuhos ang atensyon ng iyong amo sa kampanya ng eleksyon?
Ang daming nagugutom na mga magsasaka at mangingisda dala ng El Niño pero nasaan ang amo mo? Humingi sila ng bigas pero ang ibinigay ninyo ay BALA? Anyare sa iyo, BOK SONNY?
Sayang ka, Mr. Coloma. Tama ka sa iyong pagtatanggol sa iyong amo na inutil at pabaya pero MALING-MALI ka sa inyong katwiran.
ISA ANG TIYAK, VERY SOON, SISINGILIN KAYO NG TAUMBAYAN!!! BALETODO/ED VERZOLA