WALANG-WALA sa tinatawag na ‘Magic 12’ ng Senatorial Candidates itong si Edu Manzano na umaasinta rin ng isang trono sa Senado.
Ilang beses na rin lumahok sa halalan itong si Manzano pero talaga yatang kulang sa karisma kaya ‘di pinalad na magwagi gaya ng nangyari sa kanya sa republika ng Pamilya Binay.
Pero kahit na ganoon ang nangyari sa kanya’y likas sa taong ito ang pagbibigay ng tulong sa kanyang kapwa. Tumutulong nang tahimik, hindi maingay o ibinibida sa publiko.
Nanghihinayang ako dahil ibang klase kung tumulong si Manzano kung ihahambing sa ibang mga tao o politiko tulad ng ginawa niya sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Pangkaraniwan na sa mga tumutulong ang basta na lang ibigay pagkatapos ay bahala na kayo sa buhay ninyo. ‘Yung iba’y nagpatayo halimbawa ng silid-aralan pagkatapos ay wala nang kasunod.
Ibig kong sabihin ay ganito, marami ang tumutulong pero hanggang doon lamang sa pagbibigay. Ibibida nang kaunti pagkatapos ay bahala na kung ano na ang nangyari hanggang sa maubos o masira ang kanilang ibinigay na tulong.
Si Manzano ay masasabi kong kakaiba, taumbayan. Doon sa naturang ospital kung saan ginagamot ang mga bata na mayroong malubhang karamdaman tulad ng kanser. Bakit ika ninyo?
Tumulong siya sa pagpapagawa ng pasilidad sa PCMC mula semento, pintura hanggang sa upuan, lamesa at marami pang iba subalit hindi niya roon tinapos ang pagtulong.
Ang bilin ni Manzano…ipaalam sa kanya kung mayroon nang dapat ipaayos sa kanyang ipinagawa sa naturang ospital. Kumukupas o nasisira kasi ang mga gamit doon dahil na rin sa tagal ng panahon na ginagamit.
Matagal na ang tulong na ibinigay niya sa PCMC pero hanggang sa ngayon ay bagong-bago pa rin dahil sa tuwing may masisira o kumukupas ay muli niya itong ipinapagawa o ginagastusan.
Ganyan ang tulong ni Manzano, binabalikan upang masiguro na pangmatagalan ang kanyang ibinigay na tulong sa kanyang kapwa ‘di tulad ng iba na hanggang sa simula lang.
Kung gusto ninyo’y puntahan ninyo ng personal ang PCMC upang matanaw mismo ng inyong mga mata ang kwentong ito ng pagtulong ni Manzano na tumutulong kahit ‘di pa man siya isang ganap na politiko.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ