HABANG painit nang painit ang pangungumbinsi ng mga kandidato sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan, itong si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II ay halos hindi na makapagpahinga sa pagtanggap at pagpapasalamat sa mga suporta ng iba’t ibang samahan.
Nabanggit ko sa kolum ko nitong Lunes ang solidong suporta ng Iglesia Ni Cristo kay Bongbong. Ang INC na may dalawang-milyong kasapian ay solido kung bumoto, kaya may aasahang 2M boto si Bongbong na tumatakbong Bise Presidente.
Ngayon naman, ang suporta ng El Shaddai na pinamumunuan ni Bro. Mike Velarde ay ‘tiyak ‘yun!’
Ayon sa mga balita, si Bongbong ang napagpasyahan ng pamunuan ng El Shaddai na iboboto sa pagka-Bise Presidente ng Pilipinas.
May 8M kasapian ang El Shaddai kaya may karagdagang 8M boto si Bongbong, bukod pa sa 2-milyon ng INC.
Siyempre, labas pa rito ang milyon-milyong boto ng ‘Solid North’ na hindi nakabase sa Ilocano-speaking provinces, kundi maging sa maraming lugar sa bansa, kabilang na ang Metro Manila.
Ayon sa balita, kumbinsidong-kumbinsido ang pamunuan at kasapian ng El Shaddai na si Bongbong lang ang karapat-dapat na maging Bise-Presidente sapagkat siya ang may mga konkretong solusyon sa mga suliranin ng bansa sa iba’t ibang larangan, kabilang na ang kontraktuwalisasyon ng mga obrero.
Uulitin ko, si Bongbong lang ang natatanging karapat-dapat na maging Bise-Presidente dahil napakalaki ng maitutulong niya sa susunod na magiging Pangulo ng bansa upang resolbahin ang samu’t saring suliranin ng bansa at ng pamahalaan na iiwan ng administrasyong Aquino.
Huwag n’yo nang intindihin at iboto sina Francis “Chiz” Escudero at Leni Robredo dahil walang kahihinatnan ang bansa sa kanilang dalawa.
Bakit? Si Chiz ay miyembro ng pamilya-Escudero na namayani ng 30 taong sa Sorsogon pero hanggang ngayon ay lubog na lubog pa rin sa kahirapan ang Sorsogon.
Kung hindi kinaya ng mga Escudero, sa pangunguna ni Chiz na paunlarin at iangat ang ekonomiya ng Sorsogon, paano na ang buong Pilipinas?
Si Leni mismo bilang tao, abogado at lingkod-bayan ay walang problema. Ang hindi maganda kay Leni ay ipagpapatuloy niya ang ‘Tuwid na Daan’ ni Presidente Benigno Aquino III.
Tandaan na hindi maipagkakaila ninoman na ang Tuwid na Daan pa nga ang nagsilbing komadrona ni PNoy sa pagpapaanak ng mga napakaraming problema ng bansa at pamahalaan.
Opo, tama po ang inyong nabasa. Ginamit ni PNoy bilang kumadrona ang Tuwid na Daan upang isilang ni PNoy ang napakaraming problema ng bansa at pamahalaan.
Ang masama, nagmistulang paanaking baboy si PNoy dahil buwan-buwan siyang nagsisilang ng mga problema. Ngayon nga ay buntis na naman si PNoy kung saan ay inaasahang manganganak sa Mayo 9.
Sana huwag dadayain ang pagpapaanak ng Tuwid na Daan upang hindi siraulo ang susunod na Pangulo at hindi tagapagpamana ng Tuwid na Daan ang magiging Bise Presidente.
Kaya nga, nararapat lamang na magdasal sina Ka Eduardo Manalo ng INC at Bro. Mike Velarde ng El Shaddai upang magtagumpay ang sinusuportahan ng INC at El Shaddai na si Bongbong. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA