NITONG nagdaang mga araw, niyakag ng pamunuan ng Simbahang Katoliko ang mga pangunahing kandidato sa halalang 2016 na pumirma sa kasunduan para sa malinis, mapayapa, kapani-paniwala at maayos na halalan.
Anak ng tokwa, dalawa lang sa limang kandidatong Pangulo ang dumalo at isa sa kanila ang nagpadala ng kinatawan.
Naganap ito sa Manila Cathedral.
Ano ‘yan, nilangaw? Nilangaw ang layuning maganda para sa halalan o pipirma ka o hindi sa kasunduan, makakamit naman ang magandang daan at bunga ng halalan…basta gusto?
KANTO’T SULOK
Anak ng tokwa, nasa kanto’t sulok, Nats, sina Vice President Jejomar Binay at Mar Roxas sa mga upuan sa Cathedral nang magkita ang mga ito.
‘Yung isa, nasa kabilang dulo at ‘yung isa, nasa kabilang dulo rin ng Row 1 ng mga upuan sa simbahan. Nagkadikit lang ang mga ito nang sila’y pagkamayin. Ito’y makaraaan ang pirmahan sermunan sila sa misa.
Pagkatapos nito, kanya-kanya nang layas para ipagpatuloy ang kampanyahang may paninira sa isa’t isa at pagtataas ng sariling mga bangko. Hehehe!!
MAGPALIWANAG KA NGA!
Bago nangyari ang paghaharap nina Binay at Roxas sa Cathedral, nasa magkabilang dulo rin ang mga ito sa isang presidential debate.
Nang magkaroon ng tanungan sa isa’t isa ang dalawa, hiniling ni Roxas na magpaliwanag si Binay ukol sa akusasyon sa kanya sa bilyong anomalya sa isang gusali sa Makati.
Bago naman magtanong si Roxas kay Binay, pinagpapaliwanag naman ni Al Vitangcol, ex-general manager ng MRT-3 si Roxas ukol sa papel nito sa bilyong iskam umano sa MRT-3.
Parehas ang dalawa na nagbigay ng mga paliwanag na ikinataas ng kilay o ikinatawa ng taumbayan. Hehehe!
KANYA-KANYANG SURVEY
Kanya-kanyang survey ang mga kandidato ngayon.
May nagtitiwala sa dati nang sikat na mga sarbeyor, gaya ng Pulse Asia at Social Weather Station, pero ang iba, malaki ang pagdududa sa mga ito.
Kaya ang ginagawa ng mga kandidato at iba pang mga gustong makaalam kung ano talaga ang pulso ng mga botante, hinahaluan ng ibang mga surveyor na nabanggit. Halimbawa, may mga istasyon ng telebisyon na nakikipag-partner sa kanila.
May mga istasyon ng radio naman, gaya ng DZRH, DZBB, RMN at iba pa, ang nagkakaroon ng sariling mga survey na hindi lang 1,200 o 1,600 ang tinatanong kundi libo-libo sa iba’t ibang sulok ng mahal kong Pinas.
May mga kandidato namang ang sinusurbey ay mga dumadalo sa kanilang mga sortie o kampanya.
Sa huli, kanya-kanyang panalo ang mga ito.
PANALO TALAGA
May kandidato na paborito ng mga malalaking negosyante at panalo siya sa survey sa mga ito.
Ang isa, panalo naman sa mga biktima ng droga, korapsyon at kontraktwalisasyon.
‘Yung iba, panalo naman sa mga kumikilala sa mga sikat na pelikula at foundling.
Ang isa, panalo sa hanay ng mga estudyante. Ang isa, panalo sa mga mahihirap na umaasa ng napakaraming libreng serbisyo ng gobyerno.
Ito kaya ang dahilan kung bakit hindi kinakailangang magpakita ang mga kandidato sa mga pirmahan para sa malinis, maayos, kapani-paniwala at mapayapang halalan?
Eh, kung nagkagulo dahil sa kanya-kanyang claim ng panalo?
NO HURT FEELINGS
Ang magandang gawin siguro ng mga kandidato ay tingnan ang pulitika bilang isang palakasan. Gawing bukas sa mata ng lahat ang pagboto at walang dayaan.
Walang hokus-PCOS o VCM. Walang bibili ng boto at walang magbebenta ng boto. Wala ring magpapatayan, maghaharasan, magtatakutan at kung ano-ano pa.
Hayaan ang mga mamamayan na malayang mamili ng kanilang gustong iluklok sa puwesto.
Kung may mag-block voting o magpairal ng parti-partido o angkan-angkan o kanya-kanyang konsensya, hayaan natin sila.
KILALANIN, TULUNGAN
Sa huli, kung sino ang magwagi, tanggapin nating lahat. Kilalanin natin ang mga nagwagi at tulungan ang mga ito na magwagi sa kanilang paggampan ng tungkulin.
‘Yun bang === magiging tapat sa pagsasabi sa mga lansangan na “This is where your taxes go!”
At hindi bulsa nang may bulsa ang nakapiktyur sa proyekto kundi ang taumbayang dapat na makinabang sa mga pampublikong serbisyo.
ILANG ISYU
Kabilang sa mga pinakamalalaking isyu sa bayan ang pagpapairal ng regularisasyon at pagbuwag sa kontraktwalisasyon ng mahigit 50-milyong obrero.
Kung maaayos kasi ito, kasamang malulutas ang sobrang kahirapan at kagutuman sa Pinas.
Ang agawan sa West Philppine Sea na mayaman sa langis at yamang-dagat para sa lahat ay problemang dapat ding malutas.
Kung malulutas naman ang malawak at malalim na korapsyon, pandarambong at krimen, tiyak na gagaan din ang buhay ng lahat.
Paano tayo magkaisa at magtulong-tulong ukol sa mga ito matapos ang halalan?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA