IPINAGMAMALAKI raw nitong si Honey Lacuna ang pagiging doktora at hepe ng Manila Boystown at Manila Youth Recreation and Action Center (RAC) bilang kanyang major accomplishment sa kanyang pangangampanya sa Maynila.
Marami ang nailing dahil sa likod ng kanyang magandang mukha ay naroon naman daw ang mga pangit na background hindi lamang ng kanyang pamilya kundi maging sa kanilang mag-asawa habang namumuno sa Boystown at RAC.
Hindi raw kasi pwedeng magmalinis itong si Lacuna dahil mismong ang Ombudsman ay naniniwalang may P24M ill-gotten wealth ang kanyang mga magulang.
Noong 2013 ay sinampahan ng kaso ng Ombudsman ang mag-asawang dating Vice Mayor Danny Lacuna at may-bahay nitong si Melanie sa Sandiganbayan.
Kumbinsido ang Ombudsman na iligal ang P24M yaman ng mag-asawa at hindi ito tugma sa kanilang kinita mula noong 1998-2004.
Magkano ba naman ang sweldo ni Danny bilang VM at ni Melanie sa Philippine National Bank para lumobo ng P24M ang yaman nila sa loob lamang ng anim na taon?
Hindi lang natin nabalitaan kung ano na ang progreso ng kaso at kung natuloy ang hirit na freeze order ng Ombudsman sa Sandiganbayan sa “nakaw na yaman” ng mga Lacuna.
Kabilang sa hindi maipaliwanag na yaman ng mga Lacuna ang bahay at lote sa Sampaloc, Manila na nagkakahalaga ng P7.2M na nabili noong 1999.
Hindi kaya ang bahay na ito ang tirahan ni Honey Lacuna at ng kanyang esposong taga-Sampaloc na si Arnold Pangan, ang kasalukuyang hepe ng Department of Social Welfare sa Maynila (MDSW)?
Si Honey, na pinalitan ng asawang si Pangan bilang hepe ng MDSW, ay naging konsehala rin ng 4th District (Sampaloc).
Hindi pa nalilimutan ng madla ang naging karanasan ng batang si ‘Federico’ sa Manila RAC na buto’t balat sa kapayatan at natutulog sa magaspang na baldosa na walang kahit anong sapin.
Ang hepe ng RAC noon ay si Honey Lacuna-Pangan.
Isang sanggol na lalaki rin ang namatay sa pangangalaga ng Boystown ng MDSW sa Boystown Complex sa Marikina City. Si Honey Lacuna rin ang hepe noon.
‘Yung insidente ng paggahasa sa isang 11-anyos na lalaki ng kasamahang 18-anyos na lalaki sa RAC, naging news blackout at itinago sa media. Si Honey Lacuna rin ang hepe noon.
‘Yung pagtakas ng 11 mga kabataan sa Boystown dahil sa umano’y hindi matiis na trato sa kanila sa loob ng ahensya at ‘yung reklamo ng mga pamilyang nasa kalye na dinala sa Boystown tungkol sa diumano’y pagtrato sa kanila at uri ng pagpapakain sa kanila na parang hayop… si Honey Lacuna rin daw ang hepe noon.
Marami pang mga insidente ng hindi magandang imahe bilang namumuno ng isang departamento si Lacuna, at sa lahat ng ito, ipinapangako ni Honey ang magagandang ilusyon sa City Hall kapag siya raw ay nahalal?
Eh, ‘yun ngang para sa mga batang kalye at pamilyang lansangan ay hindi niya nagawan ng maganda, ano pa kaya sa City Hall? GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO


