KAHIT hindi pa man pinal ang bilanggan ng boto, ipinapakita na sa atin ng unofficial at partial counting na si Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte ang magiging ika-16 na pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, higit 6 na milyon ang lamang ni Duterte sa pinakamalapit niyang kalaban na si Manuel Roxas II ng Liberal Party (LP).
Malinaw ang mensahe ng mga Filipino, pagbabago ang gusto nila sa Pilipinas at sa pagpapatakbo ng burukrasya at hindi mga pangako.
Pagbabago dahil ito naman ang naging malinaw na tindig at layunin ni Duterte—na tinanggap naman ng nakararaming mga Filipino.
Ngunit, sana ang pagpasya at pag-aksyon ni Duterte sa mga suliranin ng bansa ay hindi tulad ng ginagawa niya noong kampanya na pagmumura, pangungutya sa mga kalaban, pagpapakawala ng mga birong nakasakit ng damdamin at iba pang pangkantong estilo.
At sana, ang idiniin ni Duterte na kanyang mga aalising problema tulad ng kahirapan, kontraktuwalisasyon, korapsyon, talamak na droga, kawalan ng kapayapaan, tanim-bala, at iba pa ay mapagpasyang lulutasin at hindi na lalaganap at paulit-ulit na iiral sa bansa.
Sa papaalis kasing pangulo na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, nagwakas sa samu’t saring mga suliranin na lalong lumala ang “Matuwid na Daan” na nagsimula sa dumadagundong na pangako.
Sana, hindi mauwi ang lahat ng binanggit ni Duterte sa kangkungan ng kasaysayan.
Ang mamamayan ay sabik na sabik sa pagbabago, kaya, kahit mahilig magmura, manglait sa kapwa kandidato at mambastos.
Nagtuloy-tuloy ang pangunguna ni Duterte sa mga sarbey sa pagtatagumpay sa eleksyon. Kay Duterte kasi nila nakikita ang mapagpasyang pagbabago.
Hindi man tuluyang mawakasan lahat ni Duterte, ang mahalaga sa mga Filipino ay maraming mababago sa bansa at pamahalaan.
Subalit, tandaan nating kahit anong gawin ni Pangulong Duterte kung hindi naman makikipagtulungan ang mamamayan, tiyak na wala ring mangyayari.
Tiyak, mananatili ang Pilipinas sa impiyerno ng kahirapan na isinilang, inaruga, pinag-aral at pinakamalaki ng mga mapansamantalang uri sa pangunguna ng mga kapitalista at mga politikong palaging pagpapayaman sa sarili ang nasa tuktukan ng isip nila.
Siyempre, dapat ang media ay hindi isusuko at kalilimutan ang estratehikong papel nito sa pagbabago ng lipunan.
Ito ang walang-tigil na pagsisiwalat ng mga sakit ng lipunan at paghihimok sa mamamayan na kumilos upang baguhin nang tuluyan ang lipunang ipinagbuntis, ipinanganak, inaruga, inalagaan, pinag-aral, at pinalaki ng mga mapanamantalang uri sa pangunguna ng mga kapitalista at politiko.
XXXXXX
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: sulongbade@yahoo.com, o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA