MANANATILING tapat sa tungkulin at nagtitiwala kay President-elect Rody Duterte ang rank and file ng Philippine National Police na mananaig ang batas at katarungan sa bansa.
Iyan ang mensahe ni PNP Director General Ricardo Marquez pagkatapos ng halalan na nairaos nang may pangkalahatang kapayapaan noong Lunes.
Nagpahayag ng kagalakan si Marquez dahil priyoridad ni Duterte ang pagpapatupad ng batas at pagtutuon ng atensyon sa kapakanan ng mga alagad ng batas. “We are ready. We will follow the law. We will respect the will of the people,” sabi ni Marquez.
At bagaman natanyag si Duterte na gumamit ng “kamay na bakal” sa Davao City, naniniwala si Marquez na masusunod ang PNP rules of engagement sa pakikipag-engkwentro ng mga pulis sa mga suspek sa krimen. Binigyan-diin ng PNP chief na ang halal na Pangulo ay isang abogado na nagsilbing prosecutor ng maraming taon.
Kinakatigan ko ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga kilabot na kriminal tulad ng mga kilalang illegal drug dealers na yumayaman habang maraming nagugumon sa “shabu.”
Kalokohan ‘yang sinasabing “protektahan ang mga karapatan” ng mga kumpirmadong nanloob na ay pinatay o ginahasa pa ang kanilang mga biktima. Ibig ninyong sabihin, iyan ay hahayaan pang makapagpiyansa, takutin ang mga testigo at suhulan ang husgado pagkatapos ay mambibiktima uli? Katarantaduhan!
Sang-ayon ako sa pagpapatupad ng mga regulasyon na ipinatutupad ng local government sa Davao City tulad ng curfew sa mga minor. Ang totoo’y meron nang ganyang mga ordinansa sa Kamaynilaan ngunit hindi lang ipinatutupad ng mga politiko. Kaya ang nangyayari, ang mga kabataan ay nalululong sa online games magdamag na ginagawa na ring sugal.
Ang pagbabawal sa pag-iinuman ng alak sa lansangan na pinagmumulan ng gulo ay dapat ipatupad na rin. At gayun din ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at pampublikong sasakyan na dapat ipagbawal na rin.
Hindi maliliit na bagay ang mga iyan na dapat mabilang sa mga unang hakbangin ng Duterte administration.
Sa mga drug lord, kriminal, at mga kawatan sa kaban ng bayan…”STOP” ani ni Digong. Pero kung ayaw ninyong tumigil…make sure na masabihan na ninyo ang inyong pamilya kung saan n’yo gusto iburol at paglilibingan ngayon pa lang.
***
Welcome po ang inyong reaksiyon, opinyon at reklamo. I-email po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin nyo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO
