NAGBAGO na ang panahon, pero hindi ang mga problema na patuloy na sumisira sa halalan para sa lokal o pambansang posisyon.
Tulad ng bawat halalan, hindi makita ng maraming botante ang kanilang pangalan sa talaan ng mga botante noong Lunes kahit rehistrado sila sa Commission on Elections.
Inulat ng Philippine Information Agency sa kanilang social media account ang mga insidente na nabigo ang botante na makita ang kanyang pangalan sa master list ng Comelec o voters’ list sa Kalinga at Zamboanga City.
Ang karahasan at pandaraya kaugnay ng halalan sa Maguindanao kung saan isang tao ang nasawi sa pamamaril ang nagtulak sa mga nagboluntaryo sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting na lisanin ang Cotabato City para sa kanilang kaligtasan.
Maraming naulat na balotang pre-shaded, palpak na vote counting machines (VCMs) at ibang iregularidad na sa tingin ng ilang politiko ay malawakang pandaraya sa halalan.
Ang palpak na VCM na naging dahilan ng pagkaantala ng simula ng botohan ay naulat sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Capiz, Romblon, Leyte, Negros Occidental at Masbate.
Inamin din ng Comelec na nagkaroon ng malawak na bilihan ng boto kung saan pera at grocery items ang ibinibayad sa mga botante. Ang ilang kapitan ng barangay ay inalok umano ng hanggang P50,000 para tulungan na manalo ang kandidato at P500-P3,000 ang mga botante.
Ilang magugulang na politiko ang nagbayad sa tagasuporta ng kanilang karibal at inobliga ito na malagyan ng blue ink sa kanang hintuturo, para hindi na siya makaboto sa presinto.
Bukod sa mga kaganapang ito, pitong election volunteers ang tinambangan at pinaslang ng mga armadong lalaki sa Rosario, Cavite.
Ang mga biktima ay papunta umano sa lugar na may vote-buying.
Walang dapat sisihin kundi mga opisyal ng Comelec kaugnay ng mga iregularidad sa VCM, pre-shaded ballots at nawawalang mga pangalan sa pagbobotohan.
Minsan lang dumating ang halalan at nasa kanila ang natitirang mga araw sa loob ng tatlong taon para asikasuhin ang lahat ng problema na pwedeng mangyari.
Gayunman ay palpak sila tuwing eleksyon.
Ang bilihan ng boto at karahasan kaugnay ng halalan ay bunga ng kabiguan ng gobyerno, partikular ang kapulisan, na pigilin ang anomalya at magbigay ng karapat-dapat na seguridad sa mamamayan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.