WALA pang tatalo sa Maynila kung ang pag-uusapan ay ang mode ng pangangampanya ng magkatunggaling sina Mayor Fred Lim at Erap Estrada.
Sa sobrang anghang ng mga binibitawang mga akusasyon at patutsada sa bawa’t isa, nagkakandarapa ang media sa pag-cover sa pagbabatuhan nila ng baho.
Kumbaga, imbes na sa Malacañang o kampanya ng mga senador ang ico-cover, ang binabantayan ng mga reporter ay ang labanang Lim at Erap.
Ito’y dahil nagsasapawan ng tactics sina Dirty Harry at Asiong Salonga kaya pinagpipiyestahan sila ng media. Kanya-kanyang style ng propaganda, dahil sa neck-to-neck na resulta ng mga survey, ayon sa ulat.
Ngayon ay Abril 13, ek-saktong isang buwan pa bago ang May 13 voting day, kaya mahaba-haba pa ang bangayan at paghihirap ng ating kaibigang Itchie kabayan (PR ni Lim) at Angel Gonong (Erap’s PR).
Sa mga nangyayari sa Maynila, medyo bulag pa tayo sa tunay na nangyayari dahil ang nalalaman lamang natin ay mula sa mga balita na ating napanonood sa TV, naririnig sa radyo at nababasa sa mga pahayagan.
May mga ulat na malakas si Lim at siguradong mare-re-elect ang dating police general, hindi kaiba sa mga ulat na si Erap ang mananalo dahil sa kanyang tinatawag na ‘masa’ appeal sa mahihirap.
Batid natin na sa mga natatanggap nating ulat, maaaring ‘spin’ lamang ng mga pro-pagandist ng magkatunggaling kandidato para makuha ang loob ng mga botante pagdating ng araw ng halalan.
Ngunit ‘spin’ man o hindi ng mga propagandist ang mga nababasa natin, ang hindi maitatagong katotohanan sa nangyayari ngayon ay ang dumi ng pulitika na nakikita ng madla sa Maynila.
Imbes kasi na plataporma ang tatalakayin para mai-guide ang mga botante kung sino sa kanila ang karapat-dapat na maluklok na punong-lungsod, nauuwi sa siraan ang pangangampanya nina Lim at Erap.
Exciting talaga ang labanan ng pagka-alkalde sa Maynila.
