MAY katwiran ang kampo ni vice presidential candidate Ferdinand Marcos, Jr. na maghinala at magreklamo hinggil sa itinatakbo ng bilangan para sa pagka-Pangalawang Pangulo.
Gaya ng alam na ng marami, matatandaang sa unang sigwada ng bilangan noong gabi ng Mayo 9 ay rumatsada kaagad ng mahigit isang milyon lamang si Marcos laban sa pinakamalapit niyang kalaban na si Representative Leni Robredo.
Pero ilang oras lamang ang nakaraan at bago pa mag-umaga kinabukasan ay biglang naglaho nang parang bula ang kalamangan ni Marcos at sa halip ay si Robredo na ang nangunguna.
Dahil dito ay naalarma ang kampo ni Bongbong at doon ay nalaman nila na pinalitan pala ng Smartmatic project manager na si Marlon Garcia ang hash code ng transparency server ng Comelec.
Kaduda-duda rin na simula nang palitan ni Garcia ang hash code ay doon biglang nakahabol at tuluyang nakalamang si Robredo na hanggang ngayon ay naglalaro sa may 2,000 boto.
Maliban pa rito ay kapansin–pansin din ang ilang maanomalyang sumunod na pangyayari sa panahon ng bilangan tulad ng hiling ng Laguna provincial board of canvassers (PBOC) na muling magpulong para itama ang mga pagkakamali sa pagitan ng na-upload na resulta sa lalawigan ng Rizal.
Kaduda-duda rin na umaabot sa mahigit tatlong milyon ang sinasabing undervote sa pagka-VP dahil hindi ordinaryong kaganapan ito.
Ang undervote ay nagaganap kapag ipinasya ng isang botante na huwag pumili ng isang kandidato para sa isang partikular na posisyon.
Sobrang mataas ang tatlong milyon para sa undervote at naganap ito sa maraming bahagi ng bansa mula sa Region I hanggang National Capital Region hanggang Region 8 at Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang nakadagdag pa sa hinala ng maraming mga tao ay alam natin ang rekord ng Smartmatic kapag katiwalian sa halalan ang pinag-usapan.
Maliban pa sa alam din ng marami kung paanong isinusuka ni Pangulong Noynoy si Sen. Marcos at personal pa nga itong nangampanya laban sa huli.
Marami tuloy ang napaiisip na bahagi raw ba ito ng isang grand conspiracy para pigilan si Bongbong at ang mga Marcos na muling makatapak ng Palasyo.
Kaya naman suportado natin ang plano ni Comelec Chairman Rowena Guanzon na imbestigahan ang kalokohang ginawa ng Smartmatic upang sa gayon ay malaman ng madla kung ano ang totoong nangyari.
Natural na itanggi ng Smartmatic na may ginawa silang kababalaghan kaya naman mas lalong kailangan ang isang imbestigasyon at para malaman ang katotohan.
At kapag lumabas ang katotohanan ay tiyak na magkakaproblema ang Smartmatic! OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO