NAAALALA niyo pa ba yung sinulat ko dati na bagama’t ang Pilipinas ay nabibilang sa tinatawag na mga 3rd world country ay hindi naman tayo nahuhuli pagdating sa pagkakaroon ng mga luxury car dealer sa bansa. Pero hindi lang luxury cars ang meron tayo. Pati luxury motorcycle brands ay meron din sa atin. BMW, KTM, Piaggio, Harley-Davidson, Ducati, Motoguzzi, at kagabi lamang ay pormal nang binuksan sa media ang Aprilia Manila. Ito ay pag-aari ni Fabian Go ng Granstar Motors. Ang Aprilia Manila na matatagpuan sa southbound lane ng Osmeña Highway ay kauna-unahang dealer ni Go na pag-aari naman ng grupo ni Gamby Lichauco, ang dating may-ari ng Ducati Manila South. Ano kaya ang nangyari sa relasyon nila kay Toti Alberto ng Ducati Phils. at parang biglaan itong pangyayaring ito?
Sa luxury cars naman ay meron tayong Mercedes Benz, BMW, Volvo, Audi, Ferrari, Maserati, Porsche, at Lamborghini. Balita ko ay ang Bentley ay darating na rin sa bansa at ito’y ipapasok ng PGA Cars, ang siya ring nagpasok at may-ari ng Porsche at Lamborghini dealerships sa Pilipinas.
Sa ikatlong linggo ng Abril ay madadagdagan pa ng bagong luxury car dealership dito sa atin, ang tanyag at prestihiyosong Rolls-Royce mula sa Inglatera. Ang distributorship at dealership dito ay pag-aari ng Autohub Group ni Willy Tee Ten. Si Tee Ten din ang nagpasok sa bansa ng Mini at isa rin siyang multi-brand car dealer.
Aprilia at Ducati, 3rd world ba kamo?
*****
ANG mga maraming pera sa atin, ang mga mayayaman nga naman basta kayang bumili ay bibili ng kahit na anong gusto nilang bilhin. Syempre, kaya naman nila. Enjoy the fruits of your labor nga naman. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ito. Lalo na sa pagbili ng mga matutuling sasakyan o mga sports car. Ilang mayayaman na ang naaksidente o naka-aksidente dahil sa pagpapatakbo ng mabibilis nilang sasakyan pero kulang naman sa kaalaman kung paano mag-control nito.
Nakakabahala diba. Isipin ninyo kung isang araw na lang ay pumanaw na ang inyong ama, kapatid, o anak. Lahat ng bagay dapat pinag-aaralan. There is nothing wrong if you want to enjoy your money. Kaya lang, ang pagpapatakbo ng sports car ay hindi po biro. Kahit ang mga karerista tulad ko ay sumailalim po sa “schooling,” oral, written, at actual test. Hindi porke’t may pera ay bili na agad at sabak na sa race track. Hindi po ganoon at lalo na sa pampublikong mga daan. Responsibilidad po nating mga magulang iyan o mga nakatatandang kapatid na payuhan sila ng tama.
Mag-iingat po lagi sa pagmamaneho.
*****
Belated Happy Birthday kay Charlie Cruz ng Wave 89.1 kahapon at Maligayang Bati naman ngayon kay Roland Hermoso at Cito Beltran.
*****
Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Inaanyayahan ko rin kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 55 at G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

