SINASAGAD ng ilang opisyal ng patapos na administrasyong Noynoy Aquino ang pangungulimbat sa pondong pampubliko, ayon sa mga report na nakarating sa akin.
Halimbawa na itong National Irrigation Administration (NIA) na pinamamahalaan ni Administrator Florencio Padernal at sinu-supervise ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Fredelita Guiza.
Sa halip na ipaubaya na sa papasok na administrasyon ni Pangulong Rody Duterte ang pagbibigay-direksyon sa programa at mga proyekto nito, aba’y isinusulong pa nitong NIA ang pagbi-bidding ng bilyon-pisong proyekto.
Wala bang delicadeza ang mga nasa pamunuan nina Padernal at Guiza? Hindi ba malinaw na kwestiyunable ang pagsasagawa ng mga bidding o pasubasta o “midnight deal” na ito?
‘Hindi ba obvious na “pabaon” ang puntirya ninyo rito? Napagbigyan na ng anim na taon ang administrasyong ito ngunit walang nahita ang sambayanan kundi lalong laganap na korapsyon at selective justice.
Sa huling mga araw ng transition period bago humalili ang pamunuan ni Duterte ay tumitira pa itong mga dorobo sa NIA ng “canalization project.”
Kinukwestiyon ng aking sources ang racket na sa ahensiya ni Padernal dahil karaniwa’y dumaraan ito sa publication, pre-bidding qualification ng contractors, etc. bilang bahagi ng normal bidding process.
Bakit railroaded o niraratsada diumano itong isinasagawang bidding ng NIA?
‘Di kaila sa publiko ang kalakaran na 10 porsyento ng halaga ng kontrata sa bawat government project ay ibinibigay bilang “komisyon” o kickback ng mga signing authorities na naggagawad ng proyekto.
Bistado na iyang rigged bidding o “biding-bidingan” sa mga ahensiya ng gobyerno.
Bulok na style itong diskarte ng mga taga-NIA! Wala kayong delicadeza!
Sumige lang kayo pero siguruhin niyong “malinis” ang tirada n’yo. Baka sa halip na magbilang kayo ng pabaon, e maghimas kayo ng rehas.
***
Welcome po ang inyong reaksyon, opinyon at reklamo. I-email po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin n’yo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO
