HINDI pa man nakauupo bilang Pangulo ng Bansa si President-elect Rodrigo Duterte ay marami na itong sinasabing batas na kanyang ipatutupad ngunit nakapagtataka na hindi man lang nito napansin ang malalang prostitusyon.
Aminin man natin o hindi, alam nating malala na ang prostitusyon o human-trafficking sa partikular na sa Metro Manila at mga pangunahing city o lungsod sa mga probinsiya.
Sa pag-upo ng ating bagong Presidente, makaaasa kaya tayong pagtuunan nito ang prostitusyon?
Ang protitusyon ay ginagawang palabigasan ng ating mga kapulisan at isa rin ito sa nagiging dahilan para mag-away-away sila.
Bukod sa Metro Manila, talamak din ang protitusyon sa ating mga tourist spot tulad ng mga beach at resort at maraming bugaw ang nag-aabang ng mga darating na customer, araw man o gabi.
Maliban sa mga beach at resort, talamak din ang bentahan ng aliw sa mga mall, club, spa at bar at maging sa ating mga airport.
Sana lang ay mabigyan ito ng pansin ng ating bagong Pangulo at tuluyan nang masugpo ito sa ating bansa.
SCHOOL SUPPLIES HANDOG NG NCRPO PRESS CLUB
Mga gamit pang-eskwela handog ng NCRPO Press Club bilang ang bagong proyekto nito para sa mga mag-aaral kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Ang proyekto ay para sa mga estudyanteng nasa kinder, Grades 1, 2 and 3, lalo na ‘yung mga nasunugan. Biglaan ang project na ito natutuwa naman ang inyong lingkod dahil sa rami ng tumatawag at nag-pledge na mag bibigay ng mga gamit.
Kabilang sa maagang tumugon sa aking panawagan ng mga gamit pang-eskuwela si QCPD Director, Gen. Edgardo Tinio na nagbigay ng P10,000 halaga ng school supplies, ang kaibigan ng lahat na si Ms. Rosemarie Lara, Irwin Monroy, Michael Rotairo, Lhean Angeles at ang Botocan Toda.
Kaya, sa aking mga kaibigan na nakaluluwag sa buhay, hindi naman siguro kabawasan sa inyo ang isang notebook, krayola, lapis at papel na hinihingi ng NCRPO Press Club para sa proyektong ito. LILY’S FILES/LILY REYES