KAYA nanalo si Rodrigo Duterte ay hangad ng napakaraming Filipino na magkaroon na ng tunay na pagbabago sa lipunan at pamahalaan ng Pilipinas.
Sa pagbabagong ito, ang ipinagbabawal na gamot ang isa sa pangunahing tinumbok ni Duterte sapagkat alam na alam niyang napakalala ng suliranin ng bansa sa droga mula Luzon hanggang Mindanao, kabilang na ang Davao City.
Hindi ko makalilimutan ang idiniin ni Duterte na walang sasantuhin ang kanyang administrasyon laban sa droga.
Binanggit pa nga niyang ultimo ang mga nahalal na politiko sa iba’t ibang puwesto tulad ng gobernador, kongresista, alkalde at iba pang sangkot sa iligal na droga. Tiyak ako na ang pahayag na ito ni Duterte ay may supisiyenteng batayan.
Tiyak din ako na may listahan na siya ng mga pangalan ng mga politikong sangkot sa bentahan ng iba’t ibang klaseng droga at maging ng mga politikong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang tanong ko po: “Isa ba sa mga politikong ito si Ilocos Sur Rep. Rudy Fariñas? Naitanong ko ito dahil minsan nang nakaladkad ang ngalan ni Fariñas sa droga.
Mariing itinanggi ni Fariñas ang umanoy pagkakasangkot niya sa droga. Hindi raw siya adik o nagnenegosyo ng droga.
Hindi man totoo na sangkot si Fariñas sa droga tulad ng kanyang binabanggit, ngunit hindi maitatangging nagkaroon na ng pagdududa sa kanya ang publiko—lalo na ang mga kababayan niya sa Ilocos.
Hindi lang marahil ‘magalaw’ ng mga awtoridad si Fariñas dahil siya ay makapangyarihang kongresista. Lalo na ngayon na siya ang magiging majority floor leader ng Kamara del Representantes.
Palpak naman ang ginawa ng susunod na Speaker ng Kamara na si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na italagang majority floor leader si Fariñas.
Paanong makatutulong kay Duterte ang Kamara del Representantes sa pamumuno Alvarez kung ang kanyang kasapakat ay kuwestyunable ang kredibilidad?
Si Fariñas po, para malaman ng mamamayan, ay ‘tirador’ at ‘birador’ ng Liberal Party (LP) at ng administrasyong Aquino sa loob ng anim na taon.
Tiniyak ni Fariñas na ang Ilocos Region na balwarte ng mga Marcos ay sumusuporta sa LP at administrasyong Aquino, kapalit ang tuloy-tuloy na biyaya.
Ang pinakahuling trabaho ni Fariñas sa LP at kay Aquino ay kabigin ang pinakamalaking bilang ng mga alkalde sa Ilocos na suportahan si Mar Roxas at ibasura ang mga kalaban nito, kabilang na si Duterte, sa pagka-Pangulo.
Siyempre, si Fariñas ang nagsilbing taga-tiyak na hindi magugutom ang 23 alkaldeng nakumbinsi niya na sabihan ang kanilang constituents na iboto si Roxas.
Ngayon, talo si Roxas. Pero, heto si Fariñas kinuha uling tirador naman ng PDP-Laban ni Duterte.
Bilang tirador ng PDP-Laban, ang unang trabaho ni Fariñas ay tiyakin ang mga bibigyan ng committee chairmanship ay solido ang suporta kay Duterte.
Ikalawa, tiyaking ang lahat ng kongresistang sasali sa PDP-Laban ay kandidato na ng administrasyong Duterte sa eleksyong 2019.
At ikatlo, siyempre, tiyaking hindi talo ang mga babalimbing sa PDP-Laban mula sa LP at sa iba pang partido pagdating sa pondo.
Wala namang problema kung lahat ay susuporta kay Duterte dahil pagbabago naman ang hangad ng magiging ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ang palpak sa ginawa ng kaibigan ni Duterte na si Pantaleon Alvarez ay italaga bilang majority floor leader ng Kamara ang politikong nakaladkad ang pangalan sa kasamaan ng lipunan tulad ng droga. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
