PAALAM, kapatid na Alex Balcoba.
Si Alex, mga Bro, ay miyembro ng Manila Police District Press Corps na binaril sa ulo ng riding-in-tandem sa Quiapo, Manila nitong nakaraang Biyernes lamang.
Kahapon ay isinalang sa cremation si Alex, kasama ang kanyang mga kasamahan sa press corps, National Press Club at iba pang grupo.
TASK FORCE MEDIA KILLINGS
Sa pagdalaw ni Peter Laviña, isa sa mga spokesperson ni President-elect Rodrigo Duterte, sa burol ni Alex, tiniyak nito ang pagtatag ng Task Force Media Killings at kasama sa gawain nito ang pagtatalaga ng mga prosecutor na walang gagawin kundi tumutok sa mga kasong pagpatay sa mediamen.
Dito tayo umaasa, mga Bro, na ang lahat kaso ng media killings ay mapagtutuunan na ng pansin ng pamahalaan.
Kasama ang iyong kaso, kapatid na Alex, ang mahigpit naming babantayan para sa katarungan para sa iyong pamilya at para na rin sa lahat ng mga mediaman na dumamas at dumaranas ng iyong sinapit.
MORO-MORO
Masyado yatang halatado ang drama ng mga awtoridad na lumalaban sa droga.
Bakit kan’yo? Aba, ngayon lamang naglalabasan ang mga malakihang droga.
Pero kahit may malakihang droga na “nadidiskubre”, may malalaking kakulangan. ‘Yun bang === hindi isinasangkot ang mga malalaking isda na opisyal ng pamahalaan.
Kahit ang mga malalaking isda o druglord, kalimitang “hindi nadatnan” o “wala” sa mga nire-”raid” na lugar.
Anak ng tokwa, Moro-moro?
SI KAPITAN
Sa ngayon, ang mga kapitan ng barangay ang kinokontak ng mga “pulis na lumalaban sa droga.”
Inaalam sa mga kapitan kung sino-sino sa mga kalugar ng mga ito ang adik at pusher. Siyempre pa, nagbibigay ng tip ang mga kapitan.
Pag-raid ng mga pulis, successful.
KULUNGAN BAKANTE
Marami sa mga raid ang isinasagawa bago magtakip-silim. Dahil ang mga oras rito ang pag-uwi mula sa trabaho o matatagpuan ang mga target.
Kaya nga, pagsapit ng gabi, puno ang kulungan ng mga pulis. Pero pagdating ng umaga, anak ng tokwa, isa o dalawa o malimit na wala nang laman ang mga kulungan.
Anyare?
Mabibilis ang mga nasa likod, lalo na ng mga pusher. Napipiyansahan agad ang mga ito. Kahit walang piskal at walang huwes, nakapagpipiyansa ang mga ito.
Alam n’yo na. Hehehe!
MABABAIT ANG MGA PARAK
Mababait naman daw ang mga parak.
Kung pusher ka, gagawin lang ang kaso mo na user.
Maliliit din ang mga nahuhuling kantidad ng mga droga. Hindi umaabot ang kantidad ng mga ito sa mga kantidad na mabubulok ka sa kulungan.
Pero lalong hindi ka makukulong at hindi ka aabutin ng 24 oras sa kulungan kung magpiyansa ka.
May mga minamalas nga lamang, mga Bro. At mas marami ang mga minamalas.
DEMONYONG PULIS
May sa demonyo pala ang mga mababait na pulis. Sa kanila pala nagpipiyansa ang mga nahuhuli.
‘Yung ilan na hindi makapagpiyansa, ang mga may-ari ng punerarya ang nagbibigay.
Happy na ang mga ito sa P1,500-P2,000 bawat isa sa mga natatagpuang patay na nauugnay sa droga sa kung saan-saan.
Ang masakit pa, ang mga pinagpipiyansa pala nila, mga Bro, ay binabalikan. Kahit ang mga nadamay lang.
Hinihingan pala ang mga ito ng mga malalaking halaga. At binabalik-balikan ang mga ito kada buwan.
Buhay na buhay sa droga ang mga iskalawag na pulis.
TATLONG MISTAH
Nakalulungkot ang ending ng apat na mistah na nakaabot sa ranggong kernel sa Philippine National Police. Nakalulungkot dahil nasangkot ang mga ito sa droga.
Kung tutuusin, malapit nang maging heneral ang mga ito nang malasin dahil sa kanilang pagkakasangkot sa droga.
MISTAH 1, 2, 3
Topnotcher sa Philippine Military Academy si Mistah No. 1 at napuwesto siya bilang hepe ng pulis sa bayang hawak ng malaking negosyante, mayor at druglord.
Dito natutong maging adik si kernel at nalulong sa masamang bisyo.
Minsang nabuwisit ito sa mga taga-Camp Crame na bumibisita at namili ng mga PNP Best Station of the Year.
Mahilig sa salapi, alak at tsik umano ang mga taga-Camp Crame kaya binigyan ang mga ito ng mga may STD na bar girls.
Itong si Mistah 2 ay galing sa Metro Manila at naging hepe ng isang lungsod sa Luzon pa rin.
Anak ng tokwa, akalain ba nating naging triggerman ito ng mga may kontrol sa droga sa buong siyudad.
Ginamit si kernel na berdugo sa mga ibang druglord na gustong pumasok sa lungsod.
Na-pomote ito sa panlalawigan at panrehiyong puwesto at pinanatili nito ang pera-pera sa droga.
Si Mistah 3 naman ay isinangkot sa mga minsa’y nagsilutangan na kilo-kilong shabu sa mga dalampasigan.
Ni-raid na rin siya pero walang nangyari sa kaso.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA