SA pagdinig ng LTFRB En Banc, napagdesisyunan na patawan ng multa na P50,000 ang BOVJEN bus at ang isang jeep na bumibiyahe sa Pier South-Project 2-3.
Ang parehong kaso ay nag-ugat sa ‘di tamang pagtrato ng drivers ng mga nasabing pampublikong sasakyan sa Persons with Disabilities na pasahero.
Ang kaso ng BOVJEN bus ay nagmula sa Facebook post ng isang netizen, “dinedma”at ibinaba raw ng konduktor na si Welie Ras Gumalas at driver nito ang dalawang deaf & mute passenger sa maling destinasyon.
Nang tanungin ng LTFRB Board si Gumalas kung ang kanilang bus ay may allotted seats for PWDs, ang sagot nito ay “wala” na siyang dahilan na na-penalize ang bus at napagmulta nga ng P50K.
Samantala, sa kaso naman ng jeep, noong May 18, 2016, habang karga-karga ni Angelito Pagtalunan ang kanyang anak na may psychosocial disability at nasa tabi ang asawang si Eugenia Perez, na naka-wheelchair for orthopedic disability, pinara nila ang jeep na may plakang TXD-533. Nang makapasok ang mag-ama ay sandaling ibinaba ang bata para matulungan ang asawang naka-wheelchair.
Dito na naging arogante ang driver at pilit na ipinababa ang bata, umandar din ang jeep ng kaunti na siyang naging dahilan para maiwan sa kalye ang misis na naka-wheelchair.
Dahil sa nasabing pangyayari, dumulog ang pamilya sa tanggapan ng LTFRB at dito na nga nagkaharap-harap ang nagrereklamong pamilya, operator at driver.
Sa paglalahad ng pangyayari lumutang ang ebidensya na malinaw na nagkaron ng franchise violation ang nasabing jeep tulad din sa kaso ng naunang bus.
Malinaw na nalapastangan ang mga PWD. Sa kaso ng jeepney driver, ang recommendation namin ay cancellation ng kanyang driver’s license.
Hindi siya naawa sa pamilya. Pwede naman niyang kausapin at tulungan tumawag ng ibang jeep kung ayaw niyang isakay ang mga ito. Maling-mali ang trato niya sa mga may kapansanan.
Nais kong ipaalala na ang mga PWD ay dapat binibigyan ng tamang pag-aruga at nangangailangan sila ng alalay at pagrespeto dahil lalo sa kanilang pisikal na pangangailangan.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON