MAHALAGA ang reputasyon ng isang ahensya para pagkatiwalaan ng mamamayan. Kaya naman sa LTFRB, isa ang reputasyon sa aming labis na pinahahalagahan.
Ano bang klaseng reputasyon ang dapat gustuhin? Para sa akin, ang reputasyon na kapag pumunta ang isang tao sa isang ahensiya ay may mahihita siya, ‘yan ay isang magandang reputasyon.
Kaya napakalaki ng pasasalamat ko sa netizens dahil sa tulong nila ay nakabuo na ng reputasyon ang aming ahensya na kapag may problema sa kalsada ang mga pasahero, maging ang driver at operator, ay makatatakbo sila sa amin at matutulungan namin sila.
Sunud-sunod ang mga insidente na involved ang mga mananakay natin ng public transportation ang idinulog sa LTFRB. Karamihan ay medyo hindi talaga maganda, mga reklamo, anomalya na aming nabuko, at hinaing ng mga pasahero.
Dahil pinilit naming matugunan at mabigyan ng solusyon nang mabilis at makabubuti sa lahat ng panig, kaya parang nagkaroon na kami ng reputasyon na “go-to” agency para sa mga reklamo ng mga isyu sa kalsada. Nakakataba ng puso.
Minsan bago pa pumunta sa pulis ay kami muna ang sinusumbungan ng mga tao, ng netizens lalo na. At kami na ang nagko-coordinate sa pulis, sa LTO, at minsan ay sa NBI.
Marami sa mga kasong nahawakan ko ay sumbong ng mga mamamayan ng social media. Minsan, maski ang ebidensya ay sila pa ang nagdadala, mga video at litrato.
At dahil sa reputasyon natin ng pagtulong, matapang pa ang mga nagrereklamo na magpa-interview, mag-participate sa imbestigasyon at humarap sa kamera para magsalaysay ng kanilang karanasan. At mahalaga sa atin ang ebidensya, mahalaga ang nagrereklamo, mahalaga ang may tatayo para sa pagkontra sa mga pasaway.
Para sa amin sa ahensya, mahalaga ang reputasyon na pwede tayong pagkatiwalaan ng mamamayan, kaya nating tugunan ang kanilang mga problema at may mahihita sila kapag dumulog sila sa atin, may sagot ang kanilang inilapit at may agad na aksyon silang makikita.
***
Mag-email ng reaksyon sa ariel.inton@gmail.com o kaya’y mag-text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON