NAKAUMANG na sa mga illegal drug lord ang pasabog ni incoming President Rody Duterte.
Nangakong buburahin kayo sa balat ng lupang hinirang ang mga drug traffickers at isa ito sa mga pangunahing dahilan kaya siya ibinoto ng taumbayan dahil sa kanyang matinding anti-crime drive sa Davao City.
Walang sikreto sa bagay na iyan.
Kinakatigan ng buong sambayanan na dapat nang matigil ang pamemerwisyo ng nakababaliw na droga at kung paano ito nagbubunsod ng mga karumal-dumal na krimen.
Aprub sa sambayanan na kalusin ang mga halimaw na drug lord kasabwat pa ang mga dayuhan sa pagluluto ng shabu at iba pang dangerous drugs.
There is no turning back on this commitment for Duterte and his men.
Kung paano ipinatupad ni “Pangulong Mayor” ang pagsugpo sa iligal na droga at kriminalidad sa Davao City ay gayun din ang isasagawa mula sa unang araw ng kanyang administrasyon.
Kahit na diumano’y may inilagak nang P10-milyong pabuya ang mga drug lord para sa makapapatay kay Duterte.
Lumutang ang impormasyon na iyan sa “pugad” ng mga drug lord at traffickers na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP).
Iyan daw ang ipinang-tapat sa P5-milyong ibibigay na cash reward ni Duterte sa mga alagad ng batas at impormante sa bawat matutumbang drug lord o trafficker.
“Kung ganun, let’s have it. Bring it on!” ‘yan ang hamon ni C/Supt. Ronald “Bato” dela Rosa, ang hinirang na magiging Chief Philippine National Police.
Nasasabik ako sa aksyon na ating matutunghayan.
Wala pa kasing Pangulo na may-bayag ang nakapagpatupad ng ganitong hakbang na nakita lamang natin noong panahon ng Martial Law.
Tinukoy din ni Duterte na tatlong police generals at 35 local government officials ang sangkot sa illegal drug business.
Tingnan natin kung sino ang mananaig sa giyerang ito.
Isang bagay lamang ang tinitiyak ko: Hindi aatras si Duterte dahil nasa likod niya ang sambayanan sa laban na iyan.
Come now, bring it on!!!
***
Welcome po ang inyong reaksyon, opinyon at reklamo. I-email po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin n’yo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO