MAY magandang balita ang ipapasalubong ng mga telecom company sa pag-upo ni President-elect Rodrigo “Digong” Duterte na mapabibilis na ang ang internet connection service sa bansa bago matapos ang taong 2016.
Ito ang buong pagmamalaki na ipinahayag ng telecom companies gaya ng PLDT/Smart Communications at Globe Telecom na sa loob ng apat hanggang anim na buwan ay may malaking improvement sa internet connection speeds.
Matapos na aprubahan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kasunduan na paghatian ang telecom assets ng San Miguel Corporation (SMC), kasama ang radio frequencies sa 700 megahertz spectrum na susi na mapabilis ang internet connection service.
Inaprubahan ng NTC ang kasunduan ng 2 telecompanies pero may mga kondisyon na ang ilan dito ay dapat na magsimula agad ang dalawang telcos na ipatupad ang agreement at mapabilis ang internet connection speeds sa loob ng isang taon.
Tiniyak ni business tycoon Manny Pangilinan, chairman/president ng PLDT ,makapaghahatid na sila ng mas maganda at mabilis na serbisyo sa mga broadband subscriber sa loob ng anim na buwan.
Gayundin naman ang naging pahayag ni Ernest Cu, president at CEO ng Globe, na kakayanin nilang mapaganda pa ang internet connection service sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.
Gaya ng milyon-milyong internet users sa Pilipinas, tuwang-tuwang tinanggap ni incoming Finance Secretary Sonny Dominguez ang balitang ito na ayon sa kanya ay talagang gusto ni President Digong na maging maayos ang internet service sa bansa dahil isa ito sa mga ipinangako niya noong kampanya.
Kaya walang lusot ang Globe, Smart at PLDT sa commitment nila dahil may kapangyarihan ang NTC na ipawalang-bisa ang kanilang kasunduan at bawiin kahit nabayaran na.
No choice kundi tumupad sila sa pangakong mapabilis pa at maging mas abot-kaya pa ang kanilang internet service.
Walang dapat ipangamba na baka maantala ang pagpapatupad ng kasunduan dahil sa banta ng Philippine Competition Commission na repasuhin ito.
***
Anomang puna o reklamo ay i-text sa 09182974764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
