ANG kontradiksyon ay mahalaga kaninoman sa atin. Pang-indibidwal o pangkalahatan. Kailangan natin ito. Kung magagamit sa tamang paraan, maganda ang kahihinatnan natin. Pero kung gagamitin sa kasamaan tulad ng blackmail, patay tayo riyan.
Ang kontradiksyon ay bahagi ng buhay ninoman sa atin. ‘Yun bang may pumupuna o kumokontra sa atin, hindi para tayo ay pasamain kundi pagtutuwid sa mga nagagawa o gagawin na pagpapasya sa buhay. Kung gagamitin ito sa tama ng indibidwal o interesadong puwersa, walang duda, tiyak ang tagumpay.
Sana ay ganito ang makasanayan natin na ugali. Mahalaga ang komposisyon ng kontradiksyon sa ating buhay. Kaakibat nito ang pambansang disiplina.
Tutugon ito sa pag-iwas sa mga maling ugali, maling patakaran at maling mga programang pampamilya man o pambansa.
Sa ayaw at sa gusto natin, uupo na sa Hulyo 1 bilang Pangulo si Davao City Mayor RODRIGO ROA DUTERTE. Malinaw ang kanyang panalo, landslide sa batayan ng multi-party system ng pulitika natin.
Ngunit hindi pa man nauupo, marami na ang naglalabasan na kritisismo, pagpuna at mayroon pang namumuong puwersa na pigilan ang kanyang pamumuno.
Obvoiusly, alam natin ang dahilan ng huli, may atraso sila sa bayan at mamamayan!
Kung kailan matatapos ang tungggalian ng kontradiksyon, tanging tayo bilang mamamayan ng bansa, ng nag-iisa natin na Republika ng Pilipinas, sino pa ang mangangalaga at magtatangol sa ating Inang Bayan?
Batay sa ating kasaysayan, ang mga Filipino (Malaya ang pagkilala sa ating lahi noon) ay sadyang matatag, matapang pero malambing at mapagbigay sa kapwa. Kinilala ang ating lahi sa ugaling bayanihan o pagtulong nang kusa sa kapwa sa oras ng pangangailangan.
Sa pagtakbo ng panahon, sa ilang ulit na napailalim tayo sa pananakop ng Kastila, Amerikano, Hapon, Amerikano, nabura ang lahat pati na ang kulturang makabayan ay napalitan ng MAKADAYUHAN! Dahilan na ang buhay natin ngayon ay mahirap, makupad at nalulugmok hindi lang dahil sa kapabayaan ng mga politiko kundi sa ating KAISIPANG KOLONYAL mismo.
Alam din natin na ang mga KONTRADIKSYON na naghahari sa mga kalaban ng pamahalaan sa anomang postura ay dala ng kahirapan. Walang administrasyon ang totoong nagtangka para patirin ang ugat ng kahirapan kaya tumaas ang digmaang bayan at kriminalidad.
Ngayon, papaupo ang bagong pag-asa ng maraming Filipino, si KA DIGONG ng Davao City, pagbabantaan at pipigilang maupo? Mataas na uri na iyan at maling mukha ng kontradiksyon. Isa itong karahasan na ikababagsak, lalo ng ating Inang Bayan.
PAPAYAG KA BA SA GANYANG URI NG KONTRADIKSYON na ang dala ay bagong digmaan ng Filipino laban sa kapwa Filipino? PUNYETA! BALETODO/ED VERZOLA