NGAYONG araw, May 28 – June 12, ay ipinagdiriwang natin ang National Flag Days sang-ayon sa Presidential Proclamation No. 374 (series of 1965) at Executive Order No. 179 (series of 1994).
Sa mga panahong ito, lahat ng mga Filipino, tanggapan ng pamahalaan, mga paaralan at pribadong sektor ay inaatasan na magalang na ipakita at iwagayway ang ating pambansang bandila sa kanilang mga tahanan at tanggapan.
Battle of Alapan:
Sa kauna-unahang pagkakataon noong May 28, 1898 ay iwinagayway ng revolutionary army ang ating bandila matapos na malupig ang puwersa ng mga Kastila sa ‘Battle of Alapan’ sa Imus, Cavite. Bilang pagkilala sa natatanging araw na ito, dito pinasimulan nina Pangulong Disodado Macapagal at Fidel Ramos ang National Flag Days.
Pero alam n’yo bang noong 1919 – 1940, tuwing October 30 ipinagdiriwang ang araw ng bandila bilang paggunita sa muling pagbabalik ng karapatan na maipakita ang pambansang watawat na mahigpit na ipinagbawal simula noong 1907.
Ang Pambansang Watawat:
Sina Marcela M. de Agoncillo katuwang sina Lorenza de Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad ang siyang tumahi ng ating kauna-unahang watawat sa Hong Kong noong 1897. Ang disenyo ay mula kay Pangulong Emilio Aguinaldo na mayroong kulay pula, asul at puti, malaking araw na may walong silahis, at tatlong bituin.
Ang orihinal na bandilang unang ipinakita sa Alapan at sa Kawit, kapwa sa lalawigan ng Cavite, ay makikita parin sa Aguinaldo Museum sa Baguio City.
Ayon sa mga historians, malaki ang impluwensiya ng mga bansang Argentina, Peru, Uruguay, United States of America, Cuba at Puerto Rico sa disenyo ng ating pambansang watawat.
Naging kontrobersiyal ang paggamit ng kulay asul sa ating watawat – ginamit ang Navy blue gaya sa watawat ng USA, Cuban blue na gamit ni Pangulong Aguinaldo, at sky blue noong 1985. Para matapos na ang kalituhang ito, sa ilalim ng Republic Act No. 8491, The Flag and Heraldic Code of the Philippines, ay itinakda ang opisyal na kulay na gagamitin sa ating bandila.
Paglapastangan at pagmamahal sa watawat:
Nito lamang February 2016, umani ng mainit na pagbatikos sa social media ang ginawang pambabastos ng ilang estudyante ng University of the East (UE) nang gawin nilang basahan na ipinampunas sa sahig ang watawat kasabay ng mga tawanan.
Matapos ang masusing imbestigasyon, natanggal sa UE ang mga naturang estudyante at nangako ang pamunuan ng paaralan na mas paiigtingin nila ang pagbibigay-kaalaman sa kanilang mga estudytante at mga kawani hinggil sa pagbibigay paggalang sa bandila.
Kabaliktaran ito ng ginawa ni Janella A. Lelis na binigyang pagkilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong 2011 matapos niyang iligtas buhat sa pagbaha ang watawat habang bumabayo ang Bagyong Juaning sa Malinao, Albay. Siya ang kauna-unahang indibidwal na binigyang pagkilala ng NHCP dahil sa kanyang ipinakitang pagmamahal sa pangunahing simbolo ng bansa.
Kaya sa ating mga giliw na mambabasa, dahil simula ngayon ng National Flag Days, magkabit tayo ng watawat sa ating mga tahanan at opisina at puwede rin sigurong gawing over head photo sa ating mga social media sites. Sa simpleng pamamaraang ganito, maipapakita natin ang pagpapahalaga natin sa ating minamahal na bansa. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG