ITULOY natin, mga Bro, ang pagtalakay sa parusang kamatayan sa mga karumal-dumal na krimen.
Kaugnay ito ng panukalang batas sa Kongreso ng darating na administrasyon ni Mayor President Rodrigo ‘Digong’ Duterte na ibalik ang bitay bilang parusa at kung pupwede ay sa pagbitay sa lubid sa harapan ng publiko.
Naniniwala ang gobyernong Duterte na mabisang pamigil sa krimen ang bitay hindi lang mismo sa mga mapaparusahan nito kundi sa iba na magtatangkang gumawa ng krimen.
Ito rin ang paniniwala ng mga bansang nabanggit natin kahapon na nagpapatupad ng parusang bitay sa ating paligid: Singapore, Malaysia, Vietnam, Thailand, Tsina, Indonesia at South Korea.
Iba’t iba nga lang ang pamamaraan mula sa firing squad hanggang sa pagbitay sa lubid, lethal injection at iba pa.
IBA PANG BANSA
Mula pa noong bago ipinanganak si Kristo, ang pagbitay sa krus ay ginagawa na sa mga napatutunayang nagkasala sa iba’t ibang krimen gaya ng pagkakaroon ng ibang diyos sa sinasamba ng mga naghaharing-uri, pagtataksil sa bayan, pagnanakaw, pagpatay at iba pa.
Maituturing na pinakasikat na binitay sa krus si Jesukristo.
Laganap ang pagbitay sa krus noong panahon ni Kristo mula sa Europa haggang sa Africa, kasama na ang mga Arabo at Muslim na bansa.
Hanggang ngayon, may mga bansang gumagamit pa rin ng krus bilang pambitay gaya ng ginagawa ng Islamic State of Iraq and Syria at sa mga bansang Burma, Iraq, Iran, Saudi Arabia, Sudan, Ukraine at United Arab Emirates.
KAMATAYAN SA KRUS
Marami ang paraan kung paano ka bibitayin sa krus.
Isa ang pagpugot muna sa iyong ulo at tanging ang iyong katawan ang maiiwang nakatali o nakapako sa krus.
May mga ipinapako at itinatali sa krus na buhay at makaraan ang ilang araw, mamamatay na lang na kusa ang naparusahan sa kakapusan ng hininga at panghihina sa katawan.
Ang iba ay tinutusok sa dibidb gaya ng ginawa kay Jesukrito o binabaril o nilalaslasan ng lalamunan o bunganga hanggang sa tainga o nilalaslasan ng tiyan hanggang lumabas ang mga bituka. (Excuse me po sa mga kumakain.)
May binabaligtad na convict (‘yun bang nasa ibaba ang ulo) at doon sa ilog o dagat itinatanim para malunod sa pagtaas ng tubig o high tide.
PUGOT-ULO
Lantad sa lahat ang pamumugot-ulo bilang ligal na anyo ng parusang kamatayan, lalo na sa mga Arabo o Muslim na bansa o saanman matatagpuan ang mga ito.
Sa Saudi Arabia, Iraq at sakop ng ISIS isinasagawa ngayon bilang ligal na parusa sa itinuturing nilang mga kriminal sa iba’t ibang anyo ng mga nagpapakalat ng droga, murderer, traidor sa bayan, pagpatay sa kanilang mga lider, pagiging bading at iba pa.
Hindi naman kaila sa Pilipinas ang pugot-ulo na noon pa sa Cordillera at sa Mindanao ay ginagawa.
Medyo tumigil na nga lang ang pugot-ulo sa Cordillera subalit nagpapatuloy ito sa Kamindanaoan. At ang pamumugot-ulo ay hindi lang ginagawa ng mga Muslim sa labanan kundi ng mga sundalo rin umano.
Wala nga lang umaamin, kahit pa ang pamumugot ng ulo sa iba’t ibang lugar sa bansa, lalo na sa Metro Manila.
IBA PANG ANYO
Kung titingnan ang Bibliya, mismong ang Diyos ay kumikilala sa parusang kamatayan at ginagamit niya ito.
‘Yung paglunod niya sa buong mundo sa pamamagitan ng baha ni Noe dahil sa kawalang-hiyaan ng mga tao at hindi paniniwala sa kanya ay walang natirang buhay.
Ang mga propeta at hari ng Diyos gaya nina Moises, Elias, Solomon at David ay gumamit ng maramihang pagpatay para sa kanilang lahi at sariling Diyos.
Isinalang din ng Amang Diyos si Kristo sa kamatayan para lang magkaroon ng pandaigdigang pagbabago.
Heto ang matindi: patay na ang katawan mo, susunugin pa ang iyong kaluluwa sa impiyerno batay sa kwento kina Lazaro at mayamang namatay.
BOMBA, NUKLEYAR
Sa ngayon, ang mga bala, bomba, chemical weapon, atomic at nuclear bomb na binibitiwan ng mga drone ng mga Kano at iba pang mauunlad na bansa, mula sa mga missile sa eroplano, barko, trak at lupa ay itinuturing ding parusang kamatayan sa kanilang mga kaaway o kaagaw sa kayamanan ng mundo.
Noong World War 2, anak ng tokwa, nilaglagan ng mga Kano ng atomic bomb ang Nagasaki at Hiroshima sa Japan at natunaw ang lahat ng tao roon.
Sa Iraq, noong giniyera ng Kano si Saddam Hussein, tinatayang 500,000 Iraqi ang namatay sa mga bala at bomba ng mga Kano.
At nagaganap ang mga pambobomba ng mga Kano at iba pang may mga gamit nito kahit saan sa mundo bilang “parusa” sa mga gustong maging malaya o hindi susunod sa kanilang mga paghahari.
SA PINAS
Kontra-droga, korapsyon, pandarambong at iba pang krimen ang target na solusyonan ng panukalang parusang bitay.
Ano ang isasagot ng mga kongresman at senador?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

