NOONG nakalipas na taon ay lumapit sa Lily’s Files ang mga residente ng Camella North Springville 1, Molino, Bacoor, Cavite dahil sa nakasusulasok na amoy na galing sa usok ng tunawan ng ginto.
Nanawagan po ang Lily’s Files sa barangay, sa pamahalaan ng Bacoor, Cavite at sa tanggapan ng Deprtment of Environment and Natural Resources o DENR aya natigil ang inireklamong tunawan ng ginto.
Nitong nakalipas na linggo, muling dumulog ang mga residente ng nasabing lugar sa Lily’s Files dahil umaalingasaw na naman daw ang amoy at nakikita na naman nila ang lumalabas na usok mula sa umano’y tunawan ng ginto na nasa Blk. 5, Lot 40, Been St., ng nasabing subdibisyon sa Bacoor.
Ano ang naging cash-unduan sa pagitan ng barangay, munisipyo, DENR at ang may-ari ng tunawan ng ginto kung bakit muli itong pinayagang mag-operate?
Hmmmmmm, sinong animal naman kaya ang nagbigay ng permiso para magtunaw ng ginto sa loob ng isang mamahaling subdibisyon?
Sobra naman yata ang lakas sa barangay, sa lokal na pamahalaan ng Bacoor at sa DENR nitong may-ari ng tunawan ng ginto na si alyas Delia.
Ayon sa mga nagrereklamong residente, noong hindi pa ito pinuntahan at ipinasara ng DENR ay mataas ang labasan ng usok o chimney pero ngayong nagbukas sila uli ay binabaan na siguro para hindi mapansin ng mga residente na nag-o-operate uli sina alyas Delia.
Napag-alamang dumarating ang nagluluto sa bahay ni alyas Delia ng alas-7:00 ng umaga at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon ay makikita na ang kulay dilaw na usok na nagmumula sa chimney ng nasabing bahay.
Alam kaya ng pamunuan ng nasabing sibdibisyon ng Bacoor ang ginagawa ng isa sa kanilang mga residente rito, partikular na ‘yung nasa Blk. 5, Lot 40, Been St.?
Bakit nga ba nakalusot at nakapagpatayo itong si Alyas Delia ng tunawan ng ginto rito sa nasabing subdibisyon?
Ang pagkakaalam ko kasi, mahigpit ang mga asosasyon ng mga subdibisyon.
Hindi kaya namantikaan din ang bibig ng mga opisyal ng asosayon ng nasabing subdibisyon? Nagtatanong lang po.
Bgy. Chairman Apolonio Advincula, Jr.; Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla; at DENR Sec. Ramon Paje, Jr., may mga namatay na riyan sa lugar na ‘yan dahil sa sakit sa baga, huwag ninyong hayaang madagdagan pa ito. LILY’S FILES/LILY REYES
