NAGBITIW si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Christian Robert Lim sa kanyang trono.
Ito ang kanyang ginawa bilang reaksyon sa pagpabor ng naturang ahensiya sa apela ng Partido Liberal patungkol sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Binitiwan ni Lim ang kanyang posisyon na Comelec Campaign Finance chief makaraang matalo sa botohan ng Comelec En Banc. Ang akala ko [sana] ay nagbitiw siya bilang Commissioner.
Simple lang naman iyan, Comm. Lim. Kung hindi mo kayang sikmurain ang proseso na ipinatutupad sa gobyerno aba’y lumabas ka sa gobyerno lalo na’t abogado ka [yata] pa naman.
Ganyan talaga ang demokrasya, ‘di ba? Kung sino ang nakararami ay siya ang mananaig kahit sabihin pa natin o sa pananaw natin na ito ay mali. Iyan ang proseso, Comm. Lim!
Ngayon na idinulog na ang isyu ng SOCE filing ng partido ni PNoy sa Korte Suprema ay muli itong pagbobotohan ng mga mahistrado. At kung sino ang nakararami, ito ang mananaig o masusunod. Iyon ang tama!
Masasabi ko tuloy na ang hakbang na ito ni Lim ay ampaw dahil nariyan pa rin naman siya sa Comelec. Masasabi rin natin na ang reaksyon na ito’y ugaling bata-batutang inagawan ng kendi itong si Lim.
# # #
Ang ginawa ni Comm. Lim ay isang uri ng tinatawag na ‘WALK OUT’ o sa madaling salita ay napikon naasar kaya lumayas. Hindi umubra ang kanyang argumento, natalo… padabog na umalis sa eksena.
Ginawa ni Lim ito sa kabila ng kanyang mataas na edukasyon na kanyang tangan. Hindi naman siguro siya mailalagay bilang komisyuner kung salat ito sa pinag-aralan.
Kung talagang hindi niya masikmura ang sistema, kung talagang ayaw niyang tumanggap ng pagkatalo, kung talagang hindi siya kapit-tuko riyan… aba’y magpaalam ka na ng lubusan sa Comelec. Go ahead, Comm. Lim!
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com

