MAHIGIT 40,000 kuwalipikadong overseas Filipino workers (OFW) ang nakinabang sa inilabas na Php13.15-million annual incentive benefits (AIB) mula sa Flexi-fund ng Social Security System (SSS).
Ang flexi-fund ay isang provident fund na ipinatupad ng ahensiya na naghikayat sa mga OFW members na magkaroon ng karagdagang impok upang lalong mapalaki ang kanilang mga benepisyo pagdating ng kanilang pagreretiro. Sa pagtataya nina SSS senior vice president for account management group at siya ring international operations division head Judy Frances A. See, lumaki nang bahagya ang bilang ng mga OFW na kumuha ng programa mula sa 37,612 noong 2014, ngayon ay nasa 40,216 na.
Sinimulan ito noong taong 2001 kung saan mula sa Php 1,760 na buwanang kontribusyon, ang isang OFW ay maaaring magdagdag ng Php200 o higit pa. Ito ay papasok sa kanilang flexi fund account na pwedeng gawing pension plan at pwede ring magamit sa panahon ng pangangailangan. Sa kasalukuyan, umaabot na sa Php532-million ang kabuuang members equity ng programa.
Noong taong 2012 naman ay nagsimulang mamahagi ng AIB ang SSS para sa OFWs na mayroong flexi fund na walang withdrawals at benefit claims sa loob ng buong taon. Ang AIB ay depende sa year-end net investment income na siyang ipinamamahagi ng patas batay sa equity shares ng lahat ng miyembro.
Ibig-sabihin, ang isang OFW na may mataas na flexi fund savings ay mas makakakuha ng mas malaking AIB. Noong 2014, tumaas nang 4.9% ang flexi fund investment na naging 5.1% nitong 2015 na katumbas ng Php327 per share.
Sa katunayan, umabot sa Php125,458 ang pinakamalaking AIB na nakuha ng isang OFW nitong 2015, 31% na higit na malaki kumpara sa Php 95,820 na nakuha noong taong 2014. Alam n’yo bang marami nang OFW ang ang pumasok sa millionaire status dahil sa pag-iimpok nila sa flexi fund at nakokolektang AIB.
Ang AIB nitong taong 2015 ay ang pinakamalaking naipamahagi ng SSS sa loob ng apat na taong pagpapatupad ng programa. Ang AIB noong 2014 ay Php12.68-million, Php7.24-million noong 2013 at Php12.54-million noong 2012.
Lubhang malaki ang interest rate na ibinibigay sa flexi fund na katumbas ng SSS short-term peso placements o ng 91-day Treasury bill rates, depende kung ano ang mas mataas, upang mahikayat ang mga OFWs na mag-impok. Sabi nga ay savings pa more!
Sa mga OFWs na nais makita at malaman ang kanilang AIB at flexi fund status, magrehistro lamang sa My.SSS online service portal sa website na www.sss.gov.ph.
Ayon sa datus ng pamahalaan nitong 2013, nasa 10.24-million ang OFWs na nakakalat sa mahigit 200 bansa sa buong daigdig. Ang kanilang pagsusumikap ay nakakapagdagdag ng 10.3% sa taunang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG
