TSERMAN ng barangay napatay, nagsurender, nakatakas o nagtago kaugnay ng kampanya ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte laban sa droga.
Ito ang kabilang sa nga iniuulat natin sa ating diyaryong Remate.
Gaano na nga ba karami ang napapatay, nagsusurender, nakatakas o nagtagong tserman ng barangay sa Oplan Tukhang at Double Barrel ng gobyernong Duterte?
PARAMI NANG PARAMI
Ang masasabi natin ukol sa mga tserman na kaugnay sa isyu ay parami nang parami nang parami at still counting.
Sa patayan, nagsimula ito nang uminit na ang kampanya ni Digong laban sa droga habang nangangampanya siya na kandidatong Pangulo.
Pero umarangkada ang patayan, kasama na ng mga pagsurender, pagtakas at pagtago nang maging Pangulo na si Digong at ideklara talaga ang laban sa droga nang walang sinasanto.
Mula sa itaas hanggang sa ibaba at mula sa ibaba hanggang sa itaas ang giyera laban sa salot na droga.
Sa hanay ng mga opisyal ng bayan, ang mga nasa ibaba ay mga tserman, kagawad, tanod at iba pang mga opisyal dito.
Ang mga nasa itaas naman ay mula sa mga konsehal hanggang mayor, bokal, gobernador, kongresman, heneral ng pulisya at militar, piskal, hukom at iba pang mga opisyal.
Naging opisyal man ang mga ito sa halalan o sa bisa ng appointment.
SAMPOL NG PATAY
Kabilang sa mga iniuulat na napatay na tserman kamakailan si Sisenado Torralba, ng Brgy. 3, Badoc, Ilocos Norte.
Ayon sa pulisya, no. 1 umano sa druglist sa Badoc si Torralba na niratrat sa harapan ng kanyang bahay.
Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.
Inaalam naman ng pulisya kung may kaugnayan sa droga ang pag-ambush-massacre sa Sto. Tomas, Isabela.
Namatay rito sina Chairman Montano Zipagan ng Cañogan Abajo Sur; Joylyn Mabbayad, 23, anak ni Zipagan; Jelane Zipagan, 8, pamangkin ng kapitan; at Aira Shane Zipagan, 12, apo nito.
Nakasakay umano ang mga ito sa isang kotse nang sila’y tambangan sa bahagi ng municipal road na walang katao-tao.
Nakatakas naman habang sinisilbihan ng warrant of arrest ang hinihinalang druglord na si Brgy. Tugal Captain Peng Kulilong sa Midsayap, North Cotabato.
Pero nakipagbarilan umano si Areen Kulilong na namatay hanggang sa madakip ang tatlong kasamahan ni ng mga Kulilong.
SUMURENDER AT NAGTAGO
Kung tama ang ulat, sumurender naman sa ilalim ng Oplan Tukhang si Brgy. Chairman Edmund, kasama ang kapatid niyang si Willy Uclos sa Brgy. Mabuttal, Ballesteros, Cagayan.
Malapit umanong kamag-anak ng mga Uclos si Arnulfo Uclos isa sa top 10 drug personalities na nadakip noong 2012 ngunit nakapagpiyansa.
Sumurender ang magkapatid na Uclos makaraang sumurender umano sa pulisya si King Unite na anak nina Ballesteros Mayor Vincent at Vice Mayor Violeta Unite.
Siyempre pa, nagtago na si Kapitan Kulilong at tiyak na mayroon din siyang katulad.
May mga tserman ding iniuulat sa atin na hindi nagtatago kundi dedma lang sa Oplan Tukhang at Double Barrel.
MASISIPAG SA PAGPASURENDER
Sa kabilang banda, mga Bro, katuwan ngayon ng pulisya ang maraming kapitan ng barangay sa pagpapasurender ng mga adik at pusher.
May mga lumalabas na dalawang paniniwala sa usaping ito. May mga tserman na nagpapasurender ng mga piling adik at pusher para lang mapagbigyan si Digong.
Pero mayroon ding nagpapasurender ng lahat ng mga adik at pusher na kilala nila at hindi kilala.
Sa unang klase ng tserman, may suspetsang may itinatago ang mga ito. Pero sa ikalawa, walang itinatago.
Kung ano ang ibig-sabihin nito, bahala na ang mga pulis na dumiskarte para malaman ang katotohanan.
Pero sa ulat sa atin, karaniwang sikreto talaga sa mga tserman ang pagpapalaganap ng mga pusher at druglord ng kanilang gawain.
Nagugulat na lang ang maraming tserman na ang kanilang mga kabasketbolan, kasama sa mga proyektong pambarangay, masisipag na tumutulong sa mga gawaing barangay at iba pa ay mga adik at pusher pala.
Kaya pagdating ng Oplan Tukhang at Double Barrel, kayrami pala ang mga adik at pusher na hindi namamalayang dumami ng mga kahit masisipag na kapitan.
SAKRIPISYO
Ngayon, mga Bro, talagang pinanggagalingan ng seryosong banta sa mga tserman ang laban nila sa droga.
Ang pinakamatindi rito ay ligal na ligal ang protektor at kasabwat ng mga druglord at pusher mula sa hanay ng mga pulis at opisyal ng bayan na mas mataas kaysa sa mga kapitan.
Paano bibigyan ng gobyerno ang mga kapitan ng pananggalang sa banta sa buhay mula sa mga pulis, militar, druglord, mataas na opisyal ng gobyerno at inaarmasan ng mga ito na tauhan nilang pawang mga killer?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA