NAGING mainit ang usapin na ito noon sa press conference ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE sa Davao City, ang media killings o pagpatay sa mga mamamahayag.
Dahil sa rami ng napatay na media, kinilala ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakadelikadong bansa sa propesyon ng media!
Dahil sa sobrang pangungulit, paulit-ulit na tanong tungkol sa isyu ng pagpatay sa media, nakulili ang tainga ni Pangulong Duterte, lalo na nang kunin ang kanyang reaksyon sa panawagan ng mga dayuhang media mula sa “Reporters Without Boarders” na nanawagan ng boykot laban kay KA DIGONG.
Isama pa riyan ang pagbabaluktot ng balita ng ilang institusyon ng media, aba, talaga rin namang sinungaling at mapanira para lang sumikat sila.
Hayun, sa halip na maandap ang Pangulo, inunahan sila sa boycott call.
Mula noon hanggang ngayon, butata sa mahahalagang live coverage.
Pero naniniwala tayo, maghihilom din ang sugat, matutuyo at muling sisigla ang relasyon ng media kay Pangulong RODY.
Sa totoo lang, ayaw ni Pangulong Duterte na masaktan nang kahit bahagya ang sinomang miyembro ng media.
Malaki ang kanyang pagpapahalaga sa ating hanay. Pinatutunayan iyan ng mga kapatid natin sa Davao City na nakatutok sa Pangulo nang halos tatlong dekada na.
Yes, there are many instances of their sweet and sour relationship with the President but just after it, Duterte takes the initiative to forgive and forget that brings sweeter and sweetest relations with them!
Ngayon, sa utos mismo ni Pangulong Duterte kay PCOO Sec. MARTIN ANDANAR na tiyakin ang kaligtasan at dapat ay protektado ang lahat na mamamahayag.
Kagyat naman tinugon ni Secretary Andanar ang utos kaya nagtatag siya ng Task Force on Media Killings (and Protection).
Hintayin natin.
Sa kabilang banda, sana ay maging handa rin tayong lahat na kasapi ng iba’t ibang institusyon ng media. Bakit nga ba ang ilang miyembro natin ay “naliligaw ng landas”? Bakit sila napatay? Ano nga ba ang tunay na dahilan?
Yaong ilan na “pinatay” ay kilala at kaibigan natin. Kaya naman, todo tayo sa kritisismo laban sa mga demonyong opisyal ng bayan, military at pulisya na sangkot sa mala-demonyong krimen kontra media.
Sa ilang pagkakataon nga, tayo mismo ang pinagbantaan pero katulad ng aking paniniwala, kapag “matahol ang aso, hindi iyan mangangagat!”
Ayusin natin ang ating hanay.
Kung “sila” ay magkukusa salamat. Itigil na ang “pangangalabit”! BALETODO/ED VERZOLA
