MARAMI na ang nagbuwis ng buhay nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte matapos niyang ipatupad ang kanyang pangako kaugnay sa kanyang kampanya laban sa droga.
Noong kampanya pa lang sa pampanguluhan ay ipinangako na ni Presidente Duterte na tatapusin niya ang salot na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Pag-upong-pag-upo ng Pangulo ay ipinatupad kaagad ni Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang kautusan sa kanya na patinuin ang bansa mula sa mga adik at pusher na siyang ginagawa ngayon ng mga pulis.
Unang araw pa lang ng Hulyo, nagpakitang gilas na ang marami sa mga pulis kaya patay rito, patay roon ang nangyari.
Ang mga tauhan ng punerarya, dampot dito, dampot doon ng mga patay na karamihan ay alam namang itinumba.
Karamihan sa mga biktima, lalo na ng salvaging, ay nilagyan ng mga karatulang “drug pusher ako” saka itinapon sa ibang lugar upang iligaw ang imbestigasyon.
Ang masakit, walang pangalan ang mga pinatay kaya mahirap na makilala at makita kaagad ng kanilang pamilya. Pero ang totoo, walang impact sa lipunan ang mga ginagawang pagpatay sapagkat ang mga itinutumba ay pawang small time at ang ilan pa nga ay hindi naman talagang tulak o adik.
Bakit hindi naman magpakitang-gilas ang mga pulis na ang itumba nila ay iyong talagang tulak ng bawal na gamot na marami nang napinsala at nasirang buhay?
O kaya naman ay ‘yung mga barangay chairman at opisyal ng barangay na walang ginawa kung hindi protektahan ang kanilang mga kamag-anak na batid naman nilang silang mga salot na tulad at adik sa kanilang barangay.
Pero ang nangyayari ngayon, marami nga ang pinapatay subalit iyong maliliit na tao sa isang barangay na nakaaway ng chairman o ibang opisyal ng barangay na inginuso sa pulis.
Pinalalabas pa ng mga pulis na lumaban gayong wala namang armas. Kasi alam nilang walang kakayahan ang pamilya na magreklamo dahil na rin sa kawalan ng kaalaman, kawalan ng pera at nadadala sa pananakot.
Sana’y maimbestigahan ang mga kasong wala namang kinalaman sa droga ang biktima subalit pinatay dahil sa anggulong personalan.
Alam naman nating hindi natutulog ang mga alagad ng batas na parehas ang tingin sa lahat ng mamamayan tulad ni National Capital Regional Police Office Director C/Supt. Oscar D. Albayalde.
Mismong si Gen. Albayalde ang nagsabi na kailangang magkaroon ng imbestigasyon upang mapanagot ang mga may kasalanan na ginagamit ang kanilang posisyon, tsapa at baril sa hindi magandang paraan at laban sa mamamayan. PAKUROT/LEA BOTONES