MAGKAKAROON na ng katuparan ang pangarap ng karamihan ng mga kawani ng pamahalaang lokal ng Tanauan City sa lalawigan ng Batangas matapos na malagdaan ang isang ‘Memorandum of Agreement’ (MOA) upang maipatupad ang Employer’s Accreditation Program (EAP) ng Pag-IBIG Fund sa naturang lungsod.
Lumagda sa kasunduan sina Pag-IBIG Fund vice president for home lending operations Luzon group, Engr. Chito L. Enciso at Tanauan City mayor Antonio C. Halili (ikalima at ika-apat mula sa kaliwa). Sinaksihan ito nina (mula sa kaliwa) councilor Polmark Fajardo na siyang ABC president, Pag-IBIG Fund manager Engr. Siegfred T. Briones, city administrator Atty. Herminigildo G. Trinidad, Jr., Pag-IBIG Fund manager Noli O. Martirez, vice mayor Jhoanna C. Corona, at councilor Benidicto Corana.
Sa ilalim ng MOA, magkakaroon ng ‘easier access’ sa Pag-IBIG housing loan programs ang mga empleyado sang-ayon sa kanilang kakayahan at kapasidad.
Bahagi din ang ‘Collection Servicing Agreement” kung saan ibabawas sa buwanang kita ang kanilang housing loans.
Nagpasalamat si mayor Halili sa ahensiya, ika nga niya “the LGU has long been thinking of a housing project for the employees, through this partnership, we can further explore to attain this goal.”
Ipinaliwanag naman ni Engr. Enciso na dahil sa automatic salary deduction, hindi na kailangan pang magtungo at pumila ng sinumang kawani sa sangay ng Pag-IBIG Fund upang mabayaran ang kanilang obligasyon lalo pa’t ipinag-utos ni Mayor Halili na maging on-time ang pagbabayad sa ahensiya.
Nagkaroon din ng housing fair na sinabayan ng isang housing loan orientation.
Dumalo din ang mga empleyado buhat sa Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd) buhat sa Tanauan City.
Naglaan din si mayor Halili ng espasyo para sa Pag-IBIG Fund kung saan ang mga katanungan hinggil sa pagtanggap at pagproseso ng provident at housing loan programs ay kagyat na matutugunan. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG