KADUDA-DUDA ang pagtanggi ng sinoman na sumailalim sa boluntaryong drug test.
Ito Ang Totoo: Walang dapat ikatakot ang isang tao kung hindi naman siya gumagamit ng droga.
Sa mga panahong ito ay magandang halimbawa kung ang mga kinauukulan ay boluntaryong magpa-drug test at mapatunayang malinis sa ipinagbabawal na droga. Mapa-pribado o nasa pamahalaan, patunayan na hindi addict at lalo na, hindi pusher.
Ito Ang Totoo: sumailalim na sa drug test ang mga opisyal ng Lungsod ng Olongapo, sina: Mayor Rolen Paulino, Vice Mayor Jong Cortez at mga konsehal na sina Ed Guerrero, Jerome Bacay, Edna Elane, Lugie Lipumano, Bj Cajudo, Noel Atienza, Linus Bacay, Winnie Ortiz at Bas Palo.
Silang lahat ay negatibo sa paggamit ng droga, ayon sa resulta, kaya sa mga halal na opisyal ng Olongapo, ito na lamang si Konsehal Edic Piano na kaisa-isang hindi kasama sa drug test, ang meron pang duda.
Hindi dapat husgahan ang tao na addict o hindi batay lang sa itsura kaya anoman ang dahilan ni Piano, mabuti pang magboluntaryo sa drug test para naman hindi pagdudahan, ‘di ba ateng?
Ito Ang Totoo: maaari kayang hindi sumama sa drug test si Piano ay dahil nagdo-droga nga siya o kaya naman ay dahil sa pulitika? Hindi niya kasi ka-ticket si Paulino nitong nakaraang eleksyon.
Anoman sa dalawa ang dahilan, hindi pa rin maganda. Walang puwang dapat sa pamahalaan ang mga gumagamit ng droga at siyempre, lalo na ang mga pusher.
Wala ring puwang dapat sa kampanya laban sa droga ang pamumulitika. Kahit ka-partido o hindi ang mga kasama, magkaisa sana para isulong ang kapakanan ng mamamayan.
***
Ang mga kasapi ng Samahang Mamamahayag ng Subic Freeport (SMSF) na ating pinamumunuan ay sasailalim sa boluntaryong drug test nitong Martes, Hulyo 26.
Ito’y pakikiisa sa kampanya ng pamahalaan kontra droga at paghikayat na rin sa iba na lumantad at ihayag sa madla na “hindi ako gumagamit ng droga.”
Inuulit natin, ang mga ayaw magpa-drug test ay natural lang na pagdudahan at malamang may itinatago na kalokohan. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
