ISA sa mga programa ng ating acting director ng National Capital Region Police Office o NCRPO na si PCSupt. Oscar D. Albayalde, ay ang pagpulbos o pag-durog sa ating mga pulis na ABKD o A-busado B-astos K-otongero D-uwag.
Sadya yatang may mga pulis na hindi marunong matakot sa babala ng kanilang hepe dahil isang pulis ng Quezon City Police District ang inirereklamo ng ilan nating mamamahayag dahil sa ugali nitong maangas at pagkabastos.
Noong nakalipas na Hulyo 18, Lunes, ay nagtungo ang ilan nating mamamahayag sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit o CIDU para kunin ang ilang detalye tungkol sa kaso ng pagkamatay ng isang lalaki na pinagbabaril sa loob ng kanilang bahay.
Pagdating daw ng mga mamamahayag sa CIDU ay nakita nilang nagsusulat sa blotter ang pulis na si PO2 Victorio Guerrero, kaya nilapitan nila ito para hingian ng detalye tungkol sa nasabing krimen. Sumagot daw itong si Guerrero na “nakikita na ninyong nagba-blotter pa ako, maghintay kayo.”
At dahil naghahabol ng deadline sa kani-kanilang mga diyaryo ang mga reporter ay nakiusap uli ang mga ito na kung pwede ay kuhanan na lang nila ng picture ‘yung spot report dahil may deadline silang hinahabol. Ang sagot daw ng mabait na pulis ay “wala akong pakialam sa deadline ninyo, kung gusto n’yo maghintay kayo.”
Ang ginawa raw ng reporter ng Philippine Star, Pilipino Mirror at Daily Inquirer ay umalis muna habang nagsusulat pa ang pulis. Makalipas ang 30 minuto ay muli silang bumalik ngunit nagsusulat pa rin sa blotter ang pulis.
Alam kaya ni CIDU Chief, PSUPT. Rodel Marcelo, ang magaspang na ugali ng isa sa kanyang tauhan? Hmmm, sa tingin ko ay hindi kukunsintihin nitong si Col. Marcelo ang kabastusan nitong si PO2 Guerrero.
NCRPO Chief, Gen. Albayalde, sir, dapat sigurong i-apply na sa pulis na ito ang iyong programang ABKD, para malaman ng publiko at ng ating kapulisan na sincere kayo sa inyong programa.
MGA BAGONG HALAL NA OPISYAL NG QCPD PRESS CORPS
Noong nakalipas na Biyernes, Hulyo 22, isinagawa ang taunang election ng QCPD Press Corps at umabot sa 85 ang bumotong miyembro.
Nanalong Pangulo si Almar Danguilan, Vice President – Val Leonardo, Secretary ang inyong lingkod, Lily Reyes, Treasurer Nonoy Lacsa, Auditor Boy Santos, PRO Alex Mendoza, Sgt. at Arms Joshua Abiad at Mark Balmores, Chairman of the Board Jan Sinocruz at ang 8 Director ng Board na sina Rod Viga, Jun Mestica, Peter Lacang, Rambo Labay, Jay Sabale, Carlo Castillo, Mike Dejuan at Manny Palmero.
Nais iparating ng mga bagong halal na opisyal ng QCPD Press Corps ang taos-pusong pasasalamat kay QCPD Director, PSSupt. Guillermo Lorenzo Eleazar, na nagbabad sa press office, kasama ang hepe ng Station 10 na si PSUPT. Pedro Sanchez at iba pang opisyal ng QCPD, sir, saludo kami sa ipinakita ninyong suporta sa amin, maraming maraming salamat po.
Gusto ring magpasalamat ang QCPD Press Corps sa National Press Club (NPC) dahil sa walang-sawang pagsuporta nito sa grupo at tulad ng dati ay dumating si NPC Vice Pres. Benny Antiporda at ang mga Director na sina Alvin Murcia at Tina Maralit. LILY’S FILES/LILY REYES

