SINAGOT ni Surigao del Norte Rep. Prospero Pichay ang kasong kriminal na isinampa sa kanya ng Aquino administration sa Office of the Ombudsman na may kinalaman sa pagbili ng thrift bank sa Laguna.
Isang political harassment lang umano ang nakikita ni Rep. Pichay sa ginagawa ng previous administration laban sa kanya matapos na sampahan siya ng kaso ni dating Finance Sec. Cesar Purisima ng kasong graft o paglustay ng pera ng Local Water Utilities Administration.
Sa pahayag ni Pichay, wala siyang nakikitang anomalya sa pagbili ng share ng LWUA sa isang thrift bank sa Laguna na nagresulta umano ng malaking kawalan ng pera sa gobyerno.
Ayon sa mambabatas, iresponsable ang ginawa raw na ito ni Purisima dahil hindi raw nito pinag-aralang mabuti ang mga dokumento ng LWUA sa pagbili nila sa Express Savings Bank, Inc., giit pa ng ex-LWUA chair na ngayo’y isa muling kongresista.
Dumaan sa tamang proseso ang pagbili nila sa naturang bangko. Aprubado raw ito ng Office of the President at Office of the Government Corporate Council at hindi rin daw totoo na P480M ang ipinambili nila rito kundi P80M lang at ang P400M daw ay deposito na ng ahensya sa bangko at sa loob ng ilang taon ay kumita na ito ng P28M.
Pahabol pa ni Pichay na pwede naman silang pumunta sa kanyang tanggapan at puwede naman din siyang tawagan o kaya, kung gusto nila, ay pupunta siya sa kanilang opisina at pag-usapan ‘yung tungkol sa figure.
Maliwanag daw na nakuryente si Purisima.
SA TONG-COLLECTION NA LANG MAY BIDDING
Sino ba itong Florence na ipinangongolekta raw ng “timbre”sa mga vice gaya ng mga iligal na pasugalan,paihi at iba pa si Region 4-A RD Gen. Valfrie Tabian?
Doble raw kung manghingi ng timbre sa mga pasugalan at iba pa itong si Florence dahil sa binabawi lang daw niya ang ipinusta niya sa bidding sa pagiging tong-collector.
Pati sa tong-collector ay may bidding?
oOo
Anomang puna o reklamo ay i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA