MANGINGINIG ka sa takot o gulat sa nagaganap sa laban sa droga kung mahina ang iyong dibdib na haharap dito.
Akalain ba nating, umabot na sa mahigit kalahating milyon ang nagsisukong adik, pusher at druglord.
Mayroon na ring napatay na mahigit sa 500 sa mga engkwentro ng pulisya at mga sangkot sa droga habang nasa 300 na ang napatay ng mga vigilante at sa salvaging.
At still counting ang mga sumusurender, gayundin ang mga napapatay, kasama na ang anim na umano’y mga tauhan ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. nitong nagdaang araw lamang.
UTOS NI MAYOR
Speaking of the mayors, makapangyarihan ang mga ito.
Nauso pa nga ang isang kanta noon na kung may ‘utos si mayor’ talo pa ang utos ng hari na hindi mababali.
Pero ngayon, umiiba yata ang malaking bahagi ng kapangyarihan ng mga mayor.
Ito’y dahil sa utos mismo ng mayor ng mga mayor na si Mayor-Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
Nauugat ito sa ilan sa malalaking problema ng mahal kong Pinas.
Droga at korapsyon.
UTOS NI MAYOR DIGONG
Sa kautusan ni Mayor Digong, kalimutan na lang ng sinomang mayor ang kanilang mandato kung sangkot ang mga ito sa droga at korapsyon.
Ayon sa pahayag ng gobyerno ni Mayor Digong, may 100 nang mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan na sinusubaybayang sangkot sa droga, at iba ang mga sangkot sa korapsyon.
Partikular sa droga, pinasusuko ni Mayor Digong ang mga kapwa niya mayor na sangkot dito.
Isa na sa mga sumuko si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.
ANAK INGINUSO
Sa kanyang pagsuko, ang sarili niyang anak ang kanyang inginuso na druglord sa kanilang lugar. Pero marami ang hindi naniniwala at itinuturo mismo si mayor ng iba.
Anim pa ngang badigard nito ang katutumba lang nang lumaban umano ang mga ito sa mga pulis na nagroronda at nangre-raid sa mga ari-arian ni mayor at ang kanyang anak na si Roland “Kerwin” Espinosa, Jr.
Itong si Kerwin, mga Bro, ay nahuli na nitong nakaraang taon pero na-dismiss ang kaso nito dahil sa hindi nagpakita at pumirma sa complaint ang pulis na witness sa pagkakahuli nito: si Police Officer 3 Manny Rodriguez.
Nasaan na ba itong si PO3 Manny Rodriguez, Mr. General Ronald ‘Bato’ dela Rosa?
MAYOR KORAP VS DRUGLORD
Ukol sa mayor pa rin, mga Bro, may naglaban para sa mayor sa isang munisipyo sa lalawigang malapit lang sa Metro Manila. Parehong naging kapitan ng barangay ang mga ito.
‘Yung korap, anak ng mataas at retirado nang korap sa isa sa mga pinakakorap na ahensya ng gobyerno.
‘Yung druglord, anak naman ng mayor na isa sa mga may pinakamahabang panunungkulan sa kanilang bayan.
Nagsalpukan ang mga ito nitong May 14, 2016 elections at natalo ang kapitan-druglord.
Mismo sa kanyang barangay ay natalo ito. Si kapitan korap ang nananalo.
Ano nga pala ang dapat gawin sa mga korap at druglord na ito?
DRUGLORD NA UTOL NI MAYOR
May druglord din na utol ng isang mayor na nanalo nitong nakaraang halalan din.
Bilang kapatid, sinasabing may pondo sa halalan ang mayor na galing sa kapatid nitong druglord.
Asawa ang mayor ng naging mayor sa kanilang bayan sa nakalipas na siyam na taon o tatlong halalan.
Naging operator din ng blacksand mining ang druglord at kumita ng malalaki hindi lang sa mining kundi sa suspetsang nagdadala ng droga ang mga barko na kasama sa pinagkakargahan ng blacksand.
O Mayor Digong at Heneral Bato, paano ito?
Kilala ng mga pulis ang druglord na ito pero hindi siya ginagalaw.
ADIK NA OPISYAL
Mayroon ding “adik” na mataas na opisyal ng isang lalawigan sa Luzon.
Adik bilang usok o nakikita lang ng ibang mga tao pero umaapoy ang paniniwala na isa itong druglord.
Ang pamilya ng mataas na opisyal ay binubuo ng mga kongresman sa kanilang distrito at mayor sa kanilang bayan.
Kahit kailan, hindi natatalo ang mga ito sa halalan at nagpapalit-palit o nagmamanahan lang sila ng pwesto.
May sarili silang dinastiya na hindi matibag-tibag at nitong 2016 lang, kandidato pa sila ni ex-President Benigno Aquino III.
Walang naiuulat gaano na nagsusurender at napapatay na mga adik at pusher pero alam ng marami na ang tabing-dagat ang pasukan ng mga shabu at smuggled items.
At grabe ang dami ng mga nagsa-shabu sa lalawigang ito, bukod sa bottomless na suplay ng marijuana.
Ang tanong: Sinubukan na bang silipin ang rekord ng mataas na opisyal na ito ni Heneral Bato?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA