NAGING malaking isyu ang “bullies” sa paaralan.
May mga naging malalim na pag-aaral para maintindihan ang social challenge na ito at para maprotektahan ang mga estudyante, hindi lang ang mga biktima ng bullying kundi pati na ang mga bully mismo.
Napagkaisahan na para masugpo ang problema sa bullying ay dapat maintindihan ito, at mahinto na sa mismong ugat ng problema.
Ayon kay Elvie Medina ng National Center for Commuters Safety and Protection, panahon na para gumawa ng batas laban sa “road bullies.”
Suportado ko si Elvie rito, naniniwala ako na dapat may batas para mahinto ang mga krimen sa lansangan na sa aking palagay ay pinasisimunuan ng “road bullies.”
At oo, naniniwala ako na ang mga kaso ng “road rage” ay resulta ng bullying.
Ikaw ba naman, kung maayos ka, halimbawa, na nasa lane mo habang nagmamaneho, bigla kang sisingitan na muntik ka pang mabanga ng mga road bully.
‘Di ba at nakagagalit talaga?
Kung mag-spend ka ng mahabang oras sa traffic na minsan ay sanhi ng mga motorista na hindi sumusunod sa traffic rules, mga walang pakundangan kung mag-park sa mga gilid ng kalsada kahit alam nila na bawal pero ginagawa pa rin nila, ‘di ba road bullies ang mga ito?
Ilang beses na nating narinig ang balita ng aksidente na sanhi ng pag-beat sa red light ng road bullies.
Pero bakit paulit-ulit sila nambu-bully ng kapwa sa kalsada? Kasi walang mabigat na batas laban sa road bullies. At ano ang mas masamang epekto ng kawalang kontrol sa road bullies?
Ito naman ang road rage. Minsan kapag pumalag ka sa isang road bully, sila pa ang galit, sila pa ang may ganang magwala at kamakailan nga, ang kaso ng isang nag-road rage na nakapatay.
Minsan, dahil nga sa road bullies, parang madali sa kanila ang mag-commit ng krimen sa kalsada.
Tulad ng pagkontra sa problema ng school bullies, dapat nang tutukan ang problema sa road bullies na para sa akin ay pinakaseryosong dahilan ng road rage.
Huwag nang hintayin pa na makagawa ng matinding krimen ang road bullies, ngayon pa lang ay gumawa na ng matapang na batas para mahinto ang road bullying.
***
Mag-email sa akin sa ariel.inton@gmail.com or mag-text sa 09178174748. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
