MATATAWAG nating tunay na statesman itong si Pangulong Rodrigo Duterte dahil na rin sa kanyang mga hakbang sa pagpapatakbo sa ating bansa at talagang ginagalang ng lahat ng mamamayang Filipino.
Sa ngayon ay isang buwan pa lamang si Duterte sa pagsisilbi bilang Pangulo ng bansa ngunit makikita natin sa kanyang mga plano na nais nitong mapaunlad ang kabuhayan ng lahat ng mamamayan.
Dahil sa kanyang kakayahan, karanasan at ginagalang na political leader ay nakatitiyak ang mga Filipino na darating ang araw na makakamit din ng ating bansa ang matagal na nating inaasam na kaunlaran.
Nakikita rin natin ngayon na unti-unti nang nagkakaroon ng disiplina ang mga Filipino at ipinakita ito ng mga aktibista na sumama sa “kilos suporta” sa katatapos pa lamang na State of the Nation Address ni Pangulong Duterte na ginanap sa Batasang Pambansa.
Bukod sa pagpapakita ng suporta sa administrasyon ni Duterte ay nakita rin natin kung paano linisin ng mga aktibista ang kanilang mga naiwang basura sa kahabaan ng Batasan Road kung saan ay pinayagan ang mga itong makalapit sa pinaggaganapan ng SONA.
Sa kauna-unahan ding pagkakataon ay hinarap ng Pangulo ang mga aktibista ng dalawang beses, ang una ay noong inagurasyon ni Duterte bilang Pangulo ng bansa kung saan ay pinapasok ang kanilang mga lider sa Malacañan at kinausap ang mga ito at ang ikalawang pagkakataon naman ay pagkatapos ng SONA kung saan ay sinundo ng mga pulis ang mga pinuno ng iba’t ibang samahan at sinaluhan ng Pangulo sa pagkain ng meryenda habang nag-uusap.
Bihirang-bihira tayong makakita ng ganitong klaseng Pangulo ng bansa at ang katulad ni Duterte ang siyang dapat na hangaan dahil sa halip na paalisin ang mga may hinaing ay personal niya itong kinausap upang alamin ang kanilang mga problema at nang sa gayon ay mabigyan ng karampatang aksyon.
Naniniwala kasi ang ating Pangulo na ang pagharap sa kasalukuyang problema ang mabisang paraan upang mabigyan ito ng solusyon.
Kahanga-hanga ang mga katangiang ito ni Duterte at ito ang nakikita nating dahilan upang magkaroon ng disiplina ang bawat isa sa atin dahil kung ating Pangulo nga ay sumusunod sa batas na umiiral, tayo pa kaya na simpleng mamamayan lamang?
Tulungan natin ang ating Pangulo na mabago ang pag-uugali ng bawat isa sa atin at ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas na umiiral. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO

